PANSAMANTALANG pamumunuan ni Gen. Camilo Cascolan, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police (PNP) ang institusyon sa oras na magretiro na ang hepe nito na si Gen. Archie Gamboa.
“What we can announce is pag compulsory retirement po ni Gen. Gamboa, ang sure na magiging OIC (officer-in-charge) ay si Gen. Cascolan,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.Nakatakdang magretiro si Gamboa ngayon araw ng Miyerkles.
Sa ulat, nagsilbi si Cascolan bilang OIC ng police force matapos masugatan si Gamboa sa isang helicopter crash.
Aniya, sinabihan na siya ni Pangulong Duterte kung sino ang napili nito para sa susunod na police chief subalit huwag muna aniyang ipagsabi.
“Mayroon na pong pangalan na initially ibinigay pero I was told i-hold muna ang announcement,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, si Outgoing PNP chief, Gen. Archie Gamboa, miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1986, ay magreretiro ngayong Setyembre 2 dahil sa nalalapit na mandatory retirement age nito na 56.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na susundin ng PNP ang “rule of succession” ng command kapag walang inanunsyo na susunod na bagong PNP chief.
“If no pronouncement will be coming from the President regarding the next PNP chief, by the ‘rule of succession’ of command will be observed and Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan will be appointed as caretaker or officer-in-charge of the PNP,” ayon kay Banac.
Nauna rito, nagsumite naman si Interior Secretary Eduardo Año ng tatlong pangalan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng posibleng maging successor ni Gamboa.
Kabilang sa mga posibleng contenders para sa PNP chief sina Cascolan; Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy chief for operations and commander of the Joint Task Force Covid Shield; at Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, hepe ng PNP directorial staff. (CHRISTIAN DALE)
68