IKINAGALAK ni Senador Risa Hontiveros ang paghahain ng kasong kriminal laban sa 19 na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na isinasangkot sa sinasabing pastillas scam.
Ayon kay Hontiveros, maituturing itong “major step” para sa pagbibigay proteksyon ng bansa sa kapakanan ng mga Filipino partikular ng mga babae at kabataan.
“We commend the National Bureau of Investigation (NBI) for taking decisive action against those who have betrayed the country and contributed to the victimization of many Filipino women and children,” saad ni Hontiveros.
Sa pagdinig sa Senado na pinangunahan ni Hontiveros nabulgar ang pastillas scam, na sinasabing malawakang illegal operation ng immigration officials kung saan nakalulusot papasok ng bansa ang mga Chinese national, partikular ang mga POGO worker kapalit ng malaking halaga.
Inilabas sa hearing ang digital chat logs, mga undercover videos at testimonya ng BI whistleblower na si Allison Chiong na nagdetalye ng “red-carpet services” para sa Chinese workers na ilegal na pumapasok sa bansa.
“Sa pag-aaral ng aming komite, may mga prostitution ring para sa mga POGO workers na bumibiktima sa mga babaeng Pilipina, na minsan ay menor de edad pa. Mga kababayan natin ang nagdurusa dahil sa kasakiman ng ilang opisyal,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
