NANINDIGAN si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pagdawit kay Health Secretary Francisco Duque III sa mga kaso kaugnay sa mga iregularidad sa PhilHealth.
Bukod sa paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo, nakalatag din sa report ng Senate Committee of the Whole ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na si Duque bilang kalihim ng Department of Health.
“Appoint a new Secretary of the Department of Health who has a stronger will to fight corruption within his organization and the agencies under his or her watch,” saad sa report ng komite.
Sa panayam ng Senate Media kay Sotto, ipinaliwanag nito na bilang chairman of the board ng PhilHealth, responsable si Duque sa paglabag sa Revised Penal Code 217 partikular sa probisyon ng pag-abandona o pagpapabaya sa tungkulin.
“Basahin niyang mabuti ang Revised Penal Code, Article 217 kasi negligence lang sapul ka sa malversation. Eh ikaw ang chairman of the Board eh, nagpasa kayo ng mga kung anu-ano.
Ibig sabihin pasa nang pasa ‘yung Board wala kang kamalay-malay?” saad ni Sotto. (DANG SAMSON-GARCIA)
