(Ni Ann Esternon)
Bagama’t nasa gitna ng sitwasyon ng pandemya dala ng COVID-19, nagpapatuloy pa rin ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa kanilang ika-16 na edisyon para sa taong ito.
Nakatakda itong ganapin mula Agosto 7 hanggang Agosto 16, 2020 at sa pagkakataong ito, mapapanood ang mga ito sa Vimeo.
Pansamantala munang online o digital ang panonood ng mga entry sa naturang festival.
Para sa Short Film category, 10 finalists ang napili para rito:
– Ang Gasgas Na Plaka Ni Lolo Bert (The Broken Vinyl Record) nina Janina Gacosta at Cheska Marfori;
– Ang Pagpakalma Sa Unos (To Calm the Pig Inside) ni Joanna Vasquez Arong
– Excuse Me Miss, Miss, Miss ni Sonny Calvento
– Fatigued ni James Robin Mayo
– Living Things ni Martika Ramirez Escobar
– Pabasa Kan Pasyon ni Hubert Tibi
– Quing Lalam Ning Aldo (Under the Sun) ni Reeden Fajardo
– The Slums ni Jan Andrei Cobey
– Tokwifi ni Carla Pulido Ocampo
– Utwas (Arise) nina Richard Salvadico at Arlie Sweet Sumagaysay
Para naman sa Full Length features, hindi muna ito matutunghayan sa taong ito. Paliwanag ng Festival Director na si Chris Millado, marami sa mga kasali ay nahinto ang produksyon dahil na rin sa pandemya.
Marami sa kanila ang hindi na nakaabot sa deadline kaya naman napagdesisyunan ng pamunuan batay na rin sa pakikipag-usap sa filmmakers na iurong na lamang ang premier sa susunod na taon.
Nakapokus din ang Cinemalaya Film Festival sa iba pang Short Films in Exhibition, Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Video at iba pa.
Tuloy ang misyon ng Cinemalaya na maibahagi ang mga obra ng mga Filipino filmmakers sa bansa upang lalong mahinang at umaangat pa ang industriya nito.
Ang Cinemalaya 2020 ay co-produced ng Cultural Center of the Philippines at Cinemalaya Foundation.
Gayundin ang Cinemalaya ay magbibigay din ng pagkilala kina director Peque Gallaga at aktres na si Anita Linda, na nagbigay ng malaking kontribusyon sa Philippine film industry.
Sa pagtutulungan din ng Cinemalaya at screenwriter na si Ricky Lee, magkakaroon din ng scriptwriting masterclass. Abangan din ang isang virtual reunion ng kanyang writing workshop alumni.
Sa iba pang detalye, sundan ang official CCP at Cinemalaya social media accounts.
