AGAD nakakuha ng suporta sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagbuhay ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sa mga kasama sa sindikato ng droga sa bansa.
“I strongly seconded the call of President Rodrigo Duterte in the latter’s SONA in reviving the death penalty specifically for drug related crimes,” pahayag ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers.
Ayon kay Barbers, totoo ang pahayag ni Duterte na binababoy ng mga sindikato ng droga ang bansa dahil kahit sa panahon ng pandemya ay patuloy ang kanilang operasyon.
Sa kanyang ika-15 State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, muling umapela ang Pangulo sa mga mambabatas na ipasa na ang nasabing panukalang batas upang maproteksyunan ang pamilyang Filipino na sinisira ng ilegal na droga.
Wala na aniyang kinatatakutan ang sindikato ng ilegal na droga kaya nais nito na magkaroon ng batas na lahat ng mga mahuhuling sangkot sa illegal drug trade ay bitayin sa pamamagitan ng lethal injection.
Sinuportahan ito ni Barbers dahil hindi lamang ang biktima ng ilegal na droga kundi ang kanilang pamilya ang sinisira ng mga sindikato at kapag hindi ito napigil aniya ay buong bansa na ang mabibiktima.
“Re-imposing the death penalty now on drug related offenses will surely stop the criminals on their tracks and deter them from further plying their trade, thus giving our youth the much needed breather as we put in place more measures to secure their future, free from drugs and protected from criminals,” ayon pa kay Barbers.
PAPASA SA SENADO
Samantala, naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na higit na malaki ang tsansang pumasa na sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang “death penalty bills” (DPBs) makaraang banggitin ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang kahalagahan ng parusang kamatayan laban sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Ani Sotto: “We can try again another shot at it, especially now that the President focused only on crimes [stipulated] in R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Better chances.”
Binanggit ni Duterte sa kanyang ikalimang SONA na magpasa ng batas ukol sa parusang kamatayan patungkol sa krimeng nagawa ng sinoman sa ilalim ng R.A. 9165 dahil ito’y “will help us deter criminality and save our children posed by the illegal and dangerous drugs.”
Apat ang DPBs na inihain sa Senado noong 2019.
Natigil ang parusang kamatayan sa bansa, sa pamamagitan ng lethal injection, noong 2006 dahil sa malawakang pagtutol dito ng iba’t ibang organisasyon, pulitiko at mga mambabatas.
Mula noong 2006 hanggang ngayong agresibo ang administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga ay patuloy pa na namamayagpag ang negosyo ng mga drug lord, kabilang na ang mga nakakulong sa NBP.
Batay sa rekord ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA), 890 kilo ng shabu ang nakumpiska mula Enero 1 hanggang Hunyo 4 ng kasalukuyang taon.
Hindi pa kasama rito ang mahigit P5.140 bilyong halaga ng shabu na nakuha sa isang Chinese at dalawang Filipino sa Marilao, Bulacan noong Hunyo 5.
Inaasahan ni Senador Panfilo Lacson na mistulang “lulusot sa karayum” ang talakayan sa pagpasa ng parusang kamatayan.
HAHARANGIN
Hindi naman suportado ng minority bloc sa Senado na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panawagan ni Pangulong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa drug-related crimes sa pamamagitan ng lethal injection.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Drilon, Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros na hindi dapat inuuna ang pagbabalik ng death penalty dahil mahina ang ating justice system at may pandemyang kinakalaban ang pamahalaan.
“Let’s reform our law enforcement and justice system before we even think of reimposing the death penalty,” ani Drilon.
Pumalag din si Pangilinan sa pagkuwestiyon kung ano ang prayoridad ng administrasyon sa gitna ng pananalasa ng corona virus 2019 (COVID-19).
Habang si Hontiveros ay sinabing dapat pagtuunan ng Palasyo ang pagpapasigla ng ekonomiya, hindi ang pagbabalik ng death penalty. (BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA/ESTONG REYES)
