Manny Pacquiao, 25 taon na

IPAGDIRIWANG sana ni Pambansang Kamao at eight-division world champion Manny Pacquiao ang ika-25 anibersaryo ng kanyang pagiging boksingero.

Subalit gaya ng ibang pagdiriwang at ­masasayang okasyon, ipinagpaliban ito dahil sa COVID-19 ­pandemic.

Sabihin nang mistula tayong sirang plaka sa paulit-ulit na pag-alaala sa sa mga nagawa ni Manny na tinagurian ding “Pacman” (hindi ang asong alaga niya na kamamatay lamang), hindi maikakaila na ang buhay niya ay may kaugnayan sa buhay nating mga Pilipino.

Hindi na lihim maging sa mga ‘di Pilipino, na siya lamang ang tanging nilalang sa balat ng lupa ang ­nanalo ng 12 titulong pandaigdigan sa walong ­dibisyon ng sport na kung tawagin din ay “sweet science.”

Kinailangan niyang tumalon mula sa timbang na junior-flyweight (109 libra) noong 1995 hanggang junior-middleweight (154-libra) noong 2010. May kabuuang 47 libra, na hanggang sa ngayon ay walang iba pang nakagawa.

Ang ama ng limang supling kay dating Sarangani Vice Gob. Jinkee, na dati ring reyna ng kagandahan, ay dapat din sanang naghari sa dalawa pang ­dibisyon – junior bantamweight at bantamweight –para naging 10 kategorya.

May kabuuang 63 panalo at pitong talo, patungo na sana sa ika-72 niyang laban si Manny kung nakakuha lang ng laban sa taong ito ang kanyang mga bagong promoter.

Tatlong buwan mula ngayon, ang ating Pambansang Kamao ay tutuntong na sa kanyang ika-42 taon. Kung may makakalaban at mananalo, kulang na lamang ng tatlong taon para mag-iwan siya ng karagdagang pamamana di lamang sa larangan ng boksing kundi sa buong mundo ng palakasan, gaya ni dating world heavyweight champion George Foreman na nabawi ang kanyang korona sa edad na 45.

Huling lumaban si Manny noong Hulyo 2019 nang maungusan niya ang noon ay wala pang talong Amerikano na si Keith Thurman para ­maidepensa ang kanyang WBA super-welterweight title, na sa pamamagitan ng 7th round KO ay inagaw niya kay Lucas Mattysse at unang idinepensa laban kay ­Andrien Broner.

Mula nang makamit ni Manny ang korona ng WBC flyweight noong 1998, sunod-sunod niyang tinuhog ang IBF super-bantamweight noong 2001, Ring featherweight (2003), WBC super-featherweight (2008), WBC lightweight (2008), IBO/Ring ­featherweight (2009), WBC super-featherweight (2009), IBO/Ring welterweight (2009), WBO welterweight (2009) at WBC super-welterweight (2010).

178

Related posts

Leave a Comment