PUMANAW na ang dating House Speaker at dating kinatawan ng ikaapat na distrito ng Camarines Sur na si Arnulfo “Noli” Fuentebella.
Ito ang inanunsyo ng anak ni Fuentebella na si Congressman Arnie Fuentebella sa kanyang Facebook account.
“Your prayers for his final journey back Home will be fondly appreciated. Rest in peace, Dad,” ayon sa anak ng dating House Speaker.
Nabatid na dumanas ng heart failure ang matandang Fuentebella na dalawang taon na umanong nakikipaglaban sa kidney disease.
Si Fuentebella na magdiriwang sana ng kanyang ika-75 kaarawan sa Oktubre 25, ay naging House Speaker noong Disyembre 2000 hanggang Enero 2001.
Pinalitan ni Fuentebella sa speakership si dating Speaker Manny Villar matapos iendorso ng dating Las Piñas Solon ang ‘article of impeachment’ laban kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Gayunpaman, halos dalawang buwan lamang naging speaker si Fuentebella dahil iniwan ni Estrada ang Malacañang sa kasagsagan ng EDSA Revolution 2001. (BERNARD TAGUINOD)
123
