MATAPOS ang halos isang taon ay akin na rin natanggap ang opisyal na kasulatan mula sa Office of the President na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea na naga-apruba ng aking pagpasok sa Philippine Air Force reserve command na may ranggong Major.
Kasunod nito ay ang kasulatan mula naman sa National Headquarters ng Armed Forces of the Philippines na nagpapatibay ng a king pagsali sa sandatahang lakas na kung saan ay nakasaad na rin ang aking AFP Serial number.
Labis-labis ang aking kasiyahan sa magkakasunod na dokumento na aking natanggap dahil matapos ang aking pagsasanay ay halos isang taon ko itong inasam-asam dahil sa aking kagustuhan na makapaglingkod sa aking inang bayan.
Maituturing ko itong katuparan ng isa sa aking pangarap nuong ako ay bata pa. Sa totoo lang, bukod sa pagiging Pari ay nangarap akong maging Piloto o sundalo ng Philippine Air Force, pero dulot ng kakulangan sa pananalapi ng aking magulang ay hindi ko ito natupad.
Magmula nuong ako ay nagplano sa pagtungo sa ibang bansa, ay isinama ko rin sa ginawa kong “life plan” ang pagpasok sa reserve command sa oras na ako ay makabalik na sa Pilipinas. Katwiran ko kasi ay kung ako ay nakapaglingkod sa gobyerno sa ibang bansa, dapat din na maglaan ako ng panahon sa aking buhay na makapaglingkod sa Inang Bayan Pilipinas.
Ngayon ay lalo kong napatunayan sa aking sarili na iba pala t alaga ang kaligayan na mabigyan ng pagkakataon na makapaglingkod sa ating bansa kahit pa sabihin na ito ay sa pamamagitan ng pagiging Laang Kawal o Reservist.
Napaisip tuloy ako na akuin na rin bilang isa sa aking adbokasiya ang paghikayat sa ating mga bagong bayaning OFW na pumasok rin sa “Laang Kawal” o reserve force sa ating sandatahang lakas.
Ito ay isa lamang paraan ng ating pagtanaw ng utang na loob sa ating inang bayan. Kung nagagawa nating mga OFW na maglingkod sa ibang lahi at sa gobyerno sa ibang bansa, ay mas nararapat na tayong mga OFW na tinaguriang Bagong Bayani ay dapat din na maglingkod sa ating sariling bansa.
Simple lamang naman ang paraan na pag-apply sa reserve forces ng Sandatahang lakas ng Pilipinas. Ang kailangan lamang ay pumasa sa mga qualifications katulad ng pagiging isang mamayang Pilipino, mula edad na 21 hanggang 64 taong gulang. At kinakailangan na maipasa ang physical examination mula sa ospital na iniatas ng AFP.
Kinakailangan din na maipasa ang tinatawag na AFP Aptitude test battery at tapusin ang Basic Citizen Military training. Kabilang din sa kinakailangan na ihanda ay ang sangkaterbang mga “clearances” at iba pang mga dokumento na katulad ng Birth certificate, Diploma, ROTC certificate at mga affidavits na kasama sa mga ibibigay o makukuha online.
Naniniwala ako sa tunay na pagmamahal ng mga OFW sa ating Inang Bayan, dahil sa totoo lang masasabi ko na mas makabayan na maituturing ang mga OFW kumpara sa mga mamamayan na nasa Pilipinas. Isa sa mga katangian na nakita ko sa mga OFW ay sa tuwing inaawit ang Lupang Hinirang sa ibang bansa ay duon ka lamang makakakita ng mga Pilipino na lumuluha habang umaawit ng pambansang awit.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
