PAGBABALIK NG PROV’L BUSES IKINAKASA NG LTFRB

UMAASA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maibabalik na sa lansangan ang mga provincial bus sa gitna ng pandemyang dulot ng coronavirus.

Ayon kay LTFRB National Capital Region director Atty. Zona Russet Tamayo, posibleng magbalik operasyon ang mga provincial bus sa katapusan ng buwan o sa mga susunod na linggo.

Nilinaw ng LTFRB na wala pang eksaktong  petsa pero minamadali na ang mga kakailanganing guidelines para sa kaligtasan ng mga mananakay at maging ng mga driver at konduktor lalo pa at
umiiral pa rin ang mga health protocol na ipinatutupad ng DOH at IATF sanhi ng COVID-19.

Inihayag ni Tamayo na uunahin ang mga biyahe sa probinsyang malapit sa Metro Manila gaya sa Regions III at IV (A and B) saka isusunod ang mga nasa mas malalayong rehiyon.

Napag-alaman na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa mga concerned local government unit (LGUs) para makabuo ng uniform set ng requirements sa mga pasaherong bibiyahe patawid at papasok sa iba’t ibang rehiyon lalo na ang mga taong gusto ng direktang masasakyan pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan .

Sinasabing kailangan na maplantsa muna ang mga alintuntunin bago payagan ang pagbabalik ng provincial buses dahil magkakaiba umano ang mungkahi ng mga LGU.

Ayon pa kay Tamayo, posibleng isama sa requirements na ito ang travel clearance mula sa LGU na pinanggalingan ng isang biyahero, clearance mula sa Philippine National Police (PNP) at government ID.

Mananatili naman ang 50% passenger capacity ng mga bus alinsunod na rin sa protocol ng Inter- Agency Task Force (IATF). (JESSE KABEL)

122

Related posts

Leave a Comment