PATAY ang isang pulis habang sugatan isa pa matapos aksidenteng pumutok ang baril ng kanilang kabaro habang nagsasagawa ng dry firing sa Malabon City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni P/Capt. Patrick Alvarado ng District Mobile Force Battalion ng Northern Police District (NPD-DMFB) ang namatay na si P/SSgt. Christian Pacanor, 33, nakalataga sa DMFB-Forward Base at residente ng Sangandaan, Caloocan City, habang sugatan si Pat. Jhomel Blas, 26, ng C-5 Road, Brgy. Ususan, Taguig City.
Ayon kay Malabon police chief, P/Col. Jessie Tamayao, kusang loob namang sumuko si Pat. Mark Jim Prado, 28, nakatalaga rin sa DMFB Forward Base at residente ng 5-0 Gen. Santos Ave., Lower Bicutan, Taguig City at nakatakdang isalang sa inquest proceedings sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong homicide at serious physical injury.
Ayon sa inisyal na impormasyon mula kay P/SSgt. Jerry Bautista ng Malabon Police Sub-Station 4, habang nagsasagawa si Pat. Prado ng dry firing gamit ang kanyang issued caliber .9mm Canik pistol sa loob ng DMFB Forward Base sa Blk. 45 Salmon St., Brgy. Longos, alas-8:45 ng umaga, nang aksidenteng pumutok ang baril.
Tumagos ang bala sa dingding na kahoy at tinamaan si SSgt. Pacanor sa likod at tumagos ang slug sa harap ng kanyang katawan habang si Pat. Blas ay nahagip naman sa ibabang bahagi ng kaliwang tainga.
Kaagad isinugod ang mga biktima sa Ospital ng Malabon ngunit hindi umabot nang buhay si P/SSgt. Pacanor habang inilipat naman kalaunan si Pat. Blas sa Tondo Medical Center kung saan ito patuloy na inoobserbahan. (FRANCIS SORIANO)
139
