(NI JG TUMBADO)
SINIBAK sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang dalawang police officials na nakatalaga sa Nueva Vizcaya region.
Ito ay may kaugnayan sa nangyaring paglikida kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant na si Randy Felix Malayao.
Ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Bernard Banac, relieved sa puwesto ang direktor ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office na si Senior Supt. Jeremias Aglugub at ang chief of police ng Aritao na si Chief Insp. Geovanni Cejes.
Isa sa mga dahilan ng pagkakatanggal sa puwesto ng dalawa ay ang pagkukulang sa pag-aasikaso at paghawak ng nakuhang mga ebidensya ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.
Sinabi ni Banac na inatasan na rin ng chief PNP si Police Regional Office 2 Director Chief Supt. Jose Maria Espino na manguna sa pagpili sa mga papalit sa dalawang nasibak na police officials.
Si Malayao ay pinagbabaril ng hinihinalang death squad ng New People’s Army (NPA) habang natutulog ang una sa loob ng pampasaherong bus sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya noong madaling araw ng Miyerkoles.
124