3-PIECE SWIMWEAR SA MGA DADAYO SA BORA

MAGPAPATUPAD ang Boracay ng tinatawag na 3-piece swimsuit wear sa mga bibisita sa isla ng Boracay.

Ito ang bahagi ng protocols ng Boracay, para matiyak na hindi kakalat ang COVID-19 sa lugar sa pagbubukas nito sa susunod na buwan.

Ayon kay Acting Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista, kailangan na bukod sa nakagawiang bikini wear ng mga babae, ay nakasuot sila ng face mask.

Magkakaroon din ng 9 swimming areas kung saan imo-monitor ng mga otoridad kung ipinatutupad ang pagsusuot ng facemask at physical distancing.

Patuloy rin ang thermal scans at pagkuha ng mga personal information ng mga turista o bibisita.

“Sa labas, sa beach area, you have to wear a face mask. Kung maligo, puwede naman, kuhanin iyon. Pero as long as you’re in a public area, dapat may face mask talaga,” sinabi nito sa ABS-CBN News Channel.

“Three-piece na, hindi na 2-piece [ang swimsuit],” dagdag niya

Bawal din ang pagkain at pag-inom ng 30 metro ang layo mula sa shoreline.

Ang mga masahista, tattoo artists at tour guides ay ipagbabawal na muna.

Hindi rin sang-ayon ang acting mayor sa beach party.

“Ang physical distancing, ‘pag sa wedding, mahirap i-separate iyan so siguro sa ngayon, huwag muna iyong mga parang party,” sinabi nito.

Naunang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo–Puyat na ang mga magtutungo sa Boracay ay kailangan na negatibo sa PCR coronavirus test result na 48 hanggang 72 oras bago ang biyahe.

Dapat ay magparehistro rin sila online sa may 200 resorts at establishments.

Hindi naman kasama sa PCR tests ang mga turista mula sa Western Visayas region. (CATHERINE CUETO)

130

Related posts

Leave a Comment