MAY sapat na batayan ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa House Committee on Justice, na nagbukas ng susunod na yugto ng proseso—ang pormal na pagdinig at pagsusuri sa mga ebidensya.
Sa pagdedeklara ng “sufficient in grounds,” sinabi ni House Justice Committee Chairperson Gerville Luistro na tutuloy na ang komite sa “hearing proper,” kung saan ihaharap ng magkabilang panig ang kanilang mga testigo at ebidensya bilang bahagi ng pagtukoy kung may “probable cause” ang mga reklamo.
Nakatakda ang mga pagdinig sa Marso 25, at susundan pa sa Abril 14, 22, at 29, 2026. Bagama’t naka-recess ang Kamara mula Marso 21 hanggang Mayo 3, nilinaw ni Luistro na may pahintulot ang komite na ipagpatuloy ang kanilang trabaho sa panahong ito.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Luistro na natanggap na ng komite ang kahilingan ni Rep. Chel Diokno para sa paglalabas ng subpoena duces tecum upang makuha ang mahahalagang dokumento, kabilang ang bank records. Gayunman, wala pang desisyon ang komite hinggil dito.
Wala Nang Reply
Upang maiwasan ang pagkaantala sa proseso, nagpasya ang ikatlo at ikaapat na complainants na hindi na magsumite ng “reply” sa sagot ni Duterte, na kanilang tinawag na “non-answer.”
Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, counsel ng mga complainant sa pangunguna ni Reverend Father Joel Saballa, hindi umano direktang sinagot ng 15-pahinang consolidated answer ng Bise Presidente ang mga alegasyon sa 98-pahinang impeachment complaint. Ganito rin ang posisyon ng ikaapat na complainant na si Atty. Nathaniel Cabrera.
Ang ikatlong reklamo ay nakatuon sa umano’y kontrobersyal na paggasta ng P125 milyon na confidential funds sa loob ng 11 araw, habang ang ikaapat ay sumasaklaw sa umano’y ilegal na paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at maling deklarasyon sa SALN—mga isyung itinuturing na “betrayal of public trust.”
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Rep. Rufus Rodriguez sa 16-lawyer defense team ni Duterte, na aniya’y bigong tugunan nang maayos ang mga seryosong paratang.
Ayon kay Rodriguez, na dating law dean, hindi sinagot ng depensa ang bawat ground ng reklamo at kulang ang detalyeng inaasahan sa ganitong uri ng kaso. Dagdag pa niya, dalawang isyu lamang ang bahagyang natalakay—ang P125 milyong pondo at umano’y pagbabanta kay Pangulong Bongbong Marcos—na aniya’y hindi pa rin sapat.
Walang “Double Standard”
Iginiit naman ni Luistro na walang “double standard” sa paghawak ng komite sa impeachment complaints laban kay Duterte kumpara sa naunang mga kaso laban kay Pangulong Bongbong Marcos. Aniya, ang kaibahan ay nakasalalay sa “personal participation” ng respondent—isang mahalagang elemento sa pagtatatag ng pananagutan.
Nauna nang ibinasura ang mga reklamo laban kay Marcos dahil sa kakulangan ng substansya, habang ang mga kaso laban kay Duterte ay pumasa sa sufficiency in form, substance, at grounds.
Impeachment Tuloy Kahit Magbitiw
Nilinaw rin ni Luistro na hindi matitigil ang impeachment proceedings kahit magbitiw sa pwesto ang Bise Presidente. Ayon sa kanya, bukod sa pagtanggal sa pwesto, kabilang sa maaaring parusa ang perpetual disqualification sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Dahil dito, mahalaga umanong ituloy ang proseso hanggang sa paglilitis sa Senado upang tuluyang maresolba kung dapat bang mahatulan o mapawalang-sala ang respondent.
(TINA MENDOZA)
119 