ITINUTULAK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng isang ad hoc committee sa Senado para mas mapaghandaan ng bansa ang malalaking krisis.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 350, kasama sina Senate President Vicente Sotto III at Majority Leader Juan Miguel Zubiri, iminungkahi ang pagtatatag ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy o “PROTECT.”
Layunin ng komite na suportahan ang panawagan ng Senado sa Executive Branch na bumuo ng komprehensibong National Contingency Framework at Plan, kasunod ng Senate Resolution No. 343.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat maging “passive” ang Senado sa gitna ng mga bantang krisis na maaaring makaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Bubuuin ang PROTECT ng mga chairperson ng iba’t ibang komite sa Senado, kabilang ang agrikultura, kalakalan, at enerhiya—mga sektor na kritikal sa pagtugon sa sakuna at economic shocks.
Tinukoy sa panukala ang umiinit na tensyon sa pagitan ng United States, Israel at Iran na posibleng magdulot ng problema sa global oil supply at magpataas ng presyo ng enerhiya.
Giit ni Cayetano, mahalaga ang maagang pagpaplano at mas mahigpit na koordinasyon ng national government, LGUs, at pribadong sektor.
Inaasahang magsasagawa ang komite ng mga pagdinig at mangangalap ng input mula sa iba’t ibang sektor, habang magsusumite ng rekomendasyon sa Senado at Executive Branch.
“Ang lahat ng crisis may winners, may losers… usually ang losers ay ang mahirap,” paalala ng senador.
101 