ILANG SENADOR, ‘DI PABOR NA ALISIN ANG 13TH MONTH PAY

MALAMIG ang ilang senador sa panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na alisin muna ang 13th month pay sa maliliit na negosyo.

Sinabi ni Senador Koko Pimentel na ang 13th month pay ay maituturing ding sahod sa ilalim ng mga kasalukuyang batas.

“13th month pay is realy salary under current laws. It is just called 13th month pay. Hence it must be paid,” diin ni Pimentel.

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na mas makabubuting i-convene ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang National Tripartite Industrial Peace Council upang pag-usapan ang isyu.

Dapat anyang makonsulta sa panukala ang mga employer at workers group upang makabalangkas ng mas epektibong polisiya.

“Hinihikayat po natin ang DOLE na agad pulungin ang tripartite council sa lalong madaling panahon upang talakayin ang proposal sa pagpapaliban ng pagbayad ng 13th month pay. Malaking usapin po ito sa ating mga manggagawa at dapat po may sapat na konsultasyon para makasiguro po tayo na ang mabubuong polisiya ay katanggap-tanggap sa lahat,” diin ni Villanueva.

“Kailangan pong magkaroon ng malinaw na polisiya sa usaping ito upang hindi po mabitin ang ating mga employer at mga manggagawa,” dagdag nito.

“Ang mahalaga po para sa DOLE ay makapagbalangkas ng panuntunang naka-angkla sa mga realidad na kinakaharap ng mga employer at manggagawa. Gusto po natin makabuo ng win-win solution para sa mga manggagawa at employer sa pamamagitan ng konsultasyon,” diin pa ni Villanueva.

Aminado ang dalawang senador na mahirap ang lagay ng pagnenegosyo sa kasalukuyan subalit dapat ding timbangin ang kalagayan ng mga empleyado. (DANG SAMSON-GARCIA)

202

Related posts

Leave a Comment