Bago ko simulan ang panawagan sa First Personnel Services Agency ay ibig ko munang iparating ang aking pasasalamat sa mabilis na aksyon ng Greenfield International Manpower Services.
Matapos kong mailathala sa aking kolum ang sitwasyon ni Arnie Sadangsal ay mabilis na umaksyon ang Greenfield International Manpower Services at ayon sa kanilang ipinadalang sulat sa pamamagitan ng aking email, si Arnie Sadangsal ay nasa kanila nang kustodiya at pangangalaga at kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang kanilang Foreign Recruitment agency na AFLAAK sa kanilang opisina.
Inaasahan po natin na magiging maayos ang kalagayan ni Arnie at masiguro na makakauwi na s’ya sa Pilipinas.
Nito namang Pebrero 1, 2019 ay nakatanggap naman tayo sa pamamagitan ng Bantay OFW Monitoring Center ng isang kahilingan na siya ay matulungan. Ang tinutukoy ko ay ang reklamo ni Lotes Langga na dineploy naman ng FIRST PERSONNEL SERVICES INC. sa Dammam, Saudi Arabia.
Ayon kay Lotes Langga ay hindi sapat ang pinapakain sa kanya na nagiging dahilan ng kanyang panghihina lalo na at buong maghapon siyang pinagtatrabaho.
Idinagdag din nito na siya ay ipinapahiram o pinagtatrabaho rin sa bahay ng anak ng kanyang amo na sa sobrang dami ng trabaho at sa sobrang pagod ay nararanasan na niya ang pamamanhid ng kanyang kamay at balikat.
Inirereklamo rin niya na s’ya ay kinakaltasan palagi sa kanyang sweldo sa tuwing humihiling s’ya na mabilhan siya ng kanyang pagkain. Ang masaklap pa rito, ang sweldo na kanyang pinaghihirapan para maipadala sa kanyang pamilya ay hindi man lamang niya nahahawakan.
Kaya hinihiling natin sa FIRST PERSONNEL SERVICES INC. na kanilang kamustahin at asikasuhin ang sitwasyon ni Lotes Langga at umaasa tayo sa kanilang mabilis na aksyon.
Ito rin ang dahilan kung bakit natin pinupursige ang lahat ng mga recruitment agencies na hikayatin ang lahat ng kanilang dini-deploy na mga OFW na mag-download ng Bantay OFW monitoring apps na libre sa Android playstore. Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW Monitoring apps ay regular nating makakamusta ang lahat ng ating mga kabayani saanmang sulok sila ng mundo.
Para sa mga humihingi ng tulong, ipadala po lamang sa aking email address na drchieumandap@yahoo.com ang inyong kumpletong detalye at salaysay ng inyong problema.
156