Halos anim na taon pa lang ang nakakalipas noong sumambulat ang isyu tungkol sa pyramiding scam ng Aman Futures Group ni Manuel Amalilio. Umabot sa 15,000 katao ang nabiktima sa naturang scam at halos P12 bilyon ang natangay ni Amalilio mula sa mga kawawang kababayan natin na karamihan ay taga-Mindanao.
Nahuli naman sa Malaysia si Amalilio isang taon matapos itong magtago subalit dalawang taon lang ang inilagi nito sa kulungan sa Malaysia dahil ang kanyang tanging kaso ay ang pagkakaroon ng mga pekeng travel documents. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nananagot si Amalilio sa kanyang kasong large-scale estafa sa Pilipinas sapagka’t tinanggihan naman ng bansang Malaysia ang hiling ng pamahalaan na i-extradite ito sa Pilipinas upang harapin ang kanyang mga asunto.
Malamang ay nagpapasarap na ngayon itong si Amalilio gamit ang salaping pinaghirapang ipundar ng kanyang mga biktima. In the meantime, tila nakakalimutan na rin ng bansa ang pangyayaring ito sapagka’t may isa na namang grupo na mala-Aman Futures ang modus ang nananalasa ngayon sa Central at Southern Mindanao.
Ayon kay Puwersa ng Bayaning Atleta Partylist Rep. Jericho Nograles, pinalitan ng grupong KAPA Community Ministry International Inc. ang Aman Futures at ito ngayon ay aktibong nag-o-operate sa mga siyudad na gaya ng Davao, General Santos City, Bislig at sa iba pang mga bayan sa Sarangani, Surigao at South Cotabato.
Daan-daang mga Dabawenyo na umano ang nagtungo sa kanyang tanggapan upang ibahagi ang kanilang mga karanasan tungkol sa modus ng KAPA na pinamumunuan ng isang Joel Apolinario.
Nauna na rito ay naglabas na ng paunang babala ang Securities and Exchange Commission tungkol sa scam ng KAPA at sinabi nito na walang pahintulot ang naturang organisasyon upang mag-solicit ng mga investment na gaya ng ginagawa nito.
“This is another multi-billion investment scam with the breadth and scale of Aman Future’s operation. It’s just sad that many people still fall for this kind of scheme. In Davao City alone, I have already received hundreds of complaints from people who lost tens of thousands in life savings because of KAPA. This must be stopped immediately,” ayon kay Nograles.
Ang mahirap nito ay tila nautakan ni Apolinario ang ating pamahalaan sapagka’t sa halip na investment ay tinatawag nitong “donation” ang perang inilalagak ng kanilang mga miyembro. Pinapangakuan ng KAPA ang kanilang mga miyembro na maaring magdonate ng hindi bababa sa P5,000 na may tubo silang 30% buwan-buwan mula sa kanilang donasyon bilang “token” o “love gift.”
Dahil nga hindi investment kundi isang donasyon ang perang inilalagak ng isang miyembro sa KAPA, maaaring lusot nga naman ito sa kasong large-scale estafa.
Gayunpaman, pasok pa rin ang elemento ng fraud o panloloko dahil na rin sa ipinapangakong 30% interest mula sa donasyon ng kanilang miyembro. Ito ay malinaw na kaso ng panggagantso kaya’t sana nga ay masakote na sa lalong madaling panahon itong si Apolinaro bago pa man makatakas na gaya ng nangyari kay Amalilio.
Ang lubos nating ipinagtataka ay kung bakit napakarami pa rin sa ating mga kababayan ang nabubuyong ubusin ang kanilang mga pinaghirapang salapi para sa mga ganito mga modus. Paulit-ulit na lang na napakarami sa ating mga kababayan ang nabibiktima sa mga ganitong scam subali’t tila yata hindi pa rin natututo ang napakarami nating mga kababayan.
Ang mas masakit ay tila natutulog pa sa pansitan itong NBI kaya’t wala pa itong ginagawang aksyon laban sa KAPA. (BAGWIS/GIL BUGAOISAN)
140