DELIKADO BA SA KALUSUGAN ANG ANTIBIOTICS?

Ni Ann Esternon

Ang antibiotics ay nabibili sa botika kung kayo ay may dalang reseta.

Tulad ng ibang mga gamot, ang pag-inom ng antibiotics ay dapat mula sa reseta ng inyong doktor.

Hindi ito iniinom bilang self-medication o naaayon sa inyong desisyon lamang.

Ang tamang pag-inom ng antibiotics ay kadalasang sa loob ng pitong araw kung saan ipinapayo rin ng doktor na bumalik sa kanya matapos nito. May pagkakataon na depende sa naging reaksyon ng katawan sa antibiotics – lalo na kung walang masyadong naging improvement – maaaring madagdagan pa ang araw na dapat kang uminom pa nito.

Delikado ang pag-inom ng antibiotics na hindi rekomendado ng doktor. Hindi basta-basta ang pag-inom nito dahil maaaring makapatay ito sa good bacteria na nasa katawan na lumalaban o pangontra rin sa bad bacteria o yeast infections.

KAILAN NAKATUTULONG O HINDI NAKATUTULONG ANG ANTIBIOTICS?

Ang antibiotics ay panlaban sa bacterial infections katulad ng strep throat at urinary infections. Hindi nito ginagamot ang anumang viruses gaya ng sipon, lagnat o mono (mononucleosis).

Minsan ipri-prescribe ng inyong doktor ang isang antibiotic para maiwasan ang impeksyon. Pini-prescribe rin ito para magamot ang mga sakit na sanhi ng parasites at iba pang uri ng fungus. Sa halip na tanungin ang inyong doktor para sa isang antibiotic para sa isang virus, tanungin sa kanya kung anong dapat mong gawin para guminhawa na ang pakiramdam at mawala ang anumang sintomas habang ang iyong katawan ay lumalaban sa isang viral infection.

Kapag niresetahan ka ng doktor ng antibiotics, sundin nang maigi ang payo kung paano iinumin ito. Inumin ang lahat ng antibiotic medicines na bigay ng doktor. Huwag itabi ang ilan dito para lang may magamit ka pa sa susunod na magkasakit ka. Kapag nag-skip ng isa o dalawang doses nito, ang ibang bacteria ay pwedeng maiwan pa sa iyong katawan. Kapag ganito ay maaaring magkasakit ka muli o humaba pa ang mga araw na may sakit ka at maaaring i-resist na ng iyong katawan ang future antibiotic treatment.

PANG-IWAS SA MGA SAKIT

Madalas nating marinig o mabasa sa advertisement ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay. Hugasan nang mabuti ang mga kamay gamit ang sabon at malinis na tubig bago kumain at matapos gumamit ng banyo. Ang regular na paghuhugas ng mga kamay ay makakatulong upang ikaw ay maging healthy at mabawasan ang pag-inom ng antibiotics.

IBA PANG DAPAT NA IKONSIDERA

Palaging nagagamit ang antibiotics sa iba’t ibang rason. Minsan ito ay nagagamit nang mali. Dahil dito ang pagkakaroon ng antibiotic resistance na nagiging common problem. Nangyayari ito kapag ang bacteria sa iyong katawan ay nag-iiba. Kapag ganito ay nahihirapan ang antibiotics na labanan ang bacteria. Pwedeng mangyari ito kapag ang bacteria ay nauulit na nae-expose sa parehas na antibiotics. O maaaring mangyari kapag ang bacteria ay naiwan sa katawan. Ang bacteria na ito ay dadami at mas magiging malakas o matibay para mag-resist sa antibiotics na iinumin mo in the future. Nagiging sanhi  rin ito para ang impeksyon sa katawan mo ay mas tumagal o lumalala pa. At kapag ganito ay magpapabalik-balik ka na lamang sa doktor. Maaari ring kailanganin mo pang uminom ng ibang gamot. Posible rin kailanganin ang stronger antibiotics na intravenously o sa pamamagitan ng IV needle na dadaan sa iyong ugat.

Tandaan din na ang ibang miyembro ng pamilya o ibang tao na lalapit sa iyo ay mae-expose sa resistant bacteria na mayroon ka. At ang mga taong ito ay maaaring magkaroon din ng impeksyon na mahirap ding magamot.

Kapag hindi tama ang pag-inom sa antibiotics ay mataas ang peligro nito sa personal at public health. Ang ear at sinus infections ay kadalasang sanhi ng viruses. Hindi nagagamot ng antibiotics ang viruses. Magpri-prescribe ang doktor ng antibiotics kapag ang sintomas ay tumagal ng pito o higit pang bilang ng mga araw o kung ito ay lumala pa.

Ang payo ng doktor sa haba ng araw para inumin ang antibiotics ay sapat lamang para mamatay ang bad bacteria sa inyong katawan. Kaya mahalaga na rekomendado ng doktor ang uri ng gamot na ito bago inumin.

Ang isang senyales na nasosobrahan ka na sa pag-inom o hindi rin tama ang pag-inom ng antibiotics ay ang pamamaga ng gilagid.

MGA SIDE EFFECT NG ANTIBIOTICS?

– Pagsusuka

– Matubig na diarrhea at pananakit ng tiyan o pagkakaroon ng digestive problems

– Allergic reactions tulad ng kahirapan sa paghinga, hives, pamamaga ng mga labi, mukha, dila, o pagkahimatay

– Pagkakaroon ng pantal o rashes

– Pangangati sa vaginal area o pagkakaroon ng discharge

– Pagkakaroon ng white patches sa dila

– Kawalan ng ganang kumain

– Pananakit o sobrang pananakit ng ulo

– Pagdurumi na may kasamang dugo

– Pagkakaroon ng lagnat

– Pagkakaroon ng fungal infections sa vaginal area (pamamaga, pangangati, pamumula), bibig, at lalamunan

1352

Related posts

Leave a Comment