May kakayahan ba ang IATF-EID na solusyunan ang problema sa COVID-19?

NAGSARA ang ikatlong ­linggo ng PBA Philippine Cup bubble na siyam na laro ang ipinakansel ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Diseases (IATF-EID) para masiguro na ang liga ay sumusunod sa mga protokol na ipanatutupad ng ahensya para ituloy ang ika-45 taon ng liga propesyonal sa bansa.

Kabilang sa siyam ang tatlong larong ipinagpaliban mula noong Oktubre 24 matapos na madiskubre ang isang reperi at isang manlalaro ng Blackwater na positibo umano sa COVID-19.

Ang nasabing manlalaro at opisyal ay lumabas na negatibo na sa virus sa sumunod na testing.

Suspetsa ng IATF-EID, nagkukulang ang PBA sa pagpapatupad ng protokol, na taliwas sa katotohanan at maihahalintulad sa maraming palpak na desisyon ng ahensya sa iba pang problemang dala ng virus at mandato nitong magbigay ng solusyon sa malawakang pagkalat ng sakit.

Kaya naging tampulan ng batikos ang desisyon ng IATF-EID sa aspeto ng ekonomiya – pagsasara ng maraming kumpanya, pagkawala ng trabaho ng mga manggagawang Pilipino, etc. – na nagdulot sa mamamayan ng ‘di matingkalang paghihirap.

May sapat na kaalaman nga ba ang mga bumubuo ng IATF-EID para mabigyan ng mandatong kasinlaki ng ­problema sa COVID-19?

Tila nga WALA! Malasin lamang na habang ang halos lahat ng bansa ay unti-unti nang nalulutas ang problema, dito naman sa atin ay patuloy ang pagdami ng mga nagpopositibo sa salot na virus!

Pero ipanalangin na lamang natin na mabuksan ang mga mata ng mga namamahala sa ating bansa na makita ang kahinaan ng ahensyang ito na tuparin ang tungkuling iniatas sa kanila.

Samantala, matutuloy na ang PBA mula bukas (Martes) sa tahanan ng bubble sa Clark City, partikular sa Angeles Fundation University Sport and Cultural Center kung saan ay idinaraos ang mga laro.

Kaya nga lamang, imbes na dalawang laro lamang gaya ng unang tatlong lingo ng bubble, noong Sabado ay tatlo ang itinakdang laro, na hindi nga lang natuloy. ­

Subalit bukas, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng liga, limang araw na magkakaroon ng apat na laro – Nobyembre 3, 4, 7-9 at sa pagtatapos ng elimination round sa Nob. 11. Tatlong laro ang itinakda sa Nob. 5 at Nob. 9 at dalawa sa Nob 7 at Nob. 10.

Masikip na nga ang inihandang iskedyul ng Office of the Commissioner mula noong magumpisa ang bubble, lalo pang sumikip ­ngayon, na ayon kay Commissioner Willie Marcial ay wala namang magagawa ang liga kundi sundin ang itinakda.

“Kawawa ang mga manlalaro sa bago nating sched, but we can’t do anything. Force to good na tayo,” ani Marcial.

“Ikinonsulta namin ito sa kanila at payag naman silang dagdagan pa ang pagsasakripisyo nila, matuloy lamang ang ating pagdiriwang.”

Matatandaang mula nang buksan ang bubble ay hindi na nakalabas ng pansamantala nilang tahanan na Quest Hotel ang 350-kataong delegasyon ng PBA at ni hindi nila makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Matutunghayan bukas ang mga laro simula 10 ng umaga sa paghaharap ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen laban sa Blackwater Elite; 1pm ang Phoenix laban sa TerraFirma; 4pm ang Talk ‘N Text vs Northport; at 6:45pm ay Barangay Ginebra laban sa Alaska.

132

Related posts

Leave a Comment