MGA OFW NAKATUTOK SA KASO NI AMBASSADOR MAURO

SA unang arangkada ng aking programa sa radio DWDD 1134 KHz na may titulong Bantay OFW ay naging panauhin ko sina Department of Labor Secretary Silvestre Bello III at Administrator Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Kabilang sa aming natalakay ang ang tungkol sa kasambahay na minaltrato ng Philippine Ambassador sa bansang Brazil na si Marichu Mauro na nakilalang si Leonila De Ocampo o kilala sa tawag na Nanay Nila.

Natuklasan ang pagmamaltrato dahil nakuhanan ito sa CCTV ng isang ­Brazilian citizen na nagtatrabaho sa tahanan ni Amb. Mauro.

Nang aking tanungin si Sec Bello sa kung ano ang ibibigay na ayuda o suporta kay Nanay Nila bilang isang OFW, ay nabanggit niya na posibleng hindi isang OFW na dumaan sa proseso sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) si Nanay Nila, dahil isa sa pribiliheyo ng diplomat ay ang makapagdala ng kanilang kasambahay kahit na hindi magproseso ng OEC.

Gayunpaman, sinisiguro ni Sec. Bello na ipagkakaloob nito ang mga karampatang tulong na nararapat sa sinumang biktima ng pagmamaltrato maging ito ay nasa Pilipinas o sa ibang bansa.

Nabangit din ni Sec.Bello na nasa pangangalaga na ni Senator Migz Zubiri si Nanay Nila at umaasa ang AKOOFW na mabibigyan ng hustisya si Nanay Nila ngayon na ito ay nasa kustodiya na ni Sen.Zubiri.

Sa totoo lamang, kapag ako ay nakakatangap ng mga sumbong o paghingi ng saklolo ng mga OFW dahil sa pagmamaltrato ng kanilang mga employer ay hindi ko mapigil ang magalit, ngunit kakaiba pala ang pakiramdam at level ng galit kung ang pagmamaltrato ay ginawa ng kapwa Pilipino lalo na kung ito ay opisyal ng gobyerno na siya pang inaasahan para mangalaga at magbigay ng proteksyon para sa kapakanan at karapatan ng mga OFW.

Maraming lider ng mga samahan ng OFW ang nagpahayag ng galit at pagsuporta kay Nanay Nila at naniniwala ako na ang buong pwersa ng mga OFW ay magkakaisa para magprotesta o mag-rally sakaling ang kasong ito ni Nanay Nila ay mawalan ng saysay.

Samantala ay ­aking bibigyan ng puwang ang panawagan na tulong para kay OFW Flora Dulay ­Ignacio, 62 taong gulang at ­kasalukuyang nasa Al Khobar, Saudi Arabia upang makauwi na sa Pilipinas matapos na siya ay ­gumaling sa kasalukuyan nyang karamdaman dahil sa ­pag-positibo sa COVID-19 virus.

Dumating siya sa Saudi Arabia noong Hulyo taon 2010 at nagtrabaho bilang kasambahay sa loob ng 11 taon. Ngunit sa loob ng mga taon na ito ay halos sa pitong mga employers siya regular na nagtatrabaho kung kaya siya lubhang napapagod na.

Pinilit niyang tiisin ang ganitong sitwasyon para lamang mabigyan ng sustento ang kanyang pamilya, ngunit dumating na sa punto na talagang sumusuko na siya at ibig na niyang umuwi sa Pilipinas.

Ngayon na siya ay nagpositibo sa nakakahawang COVID-19 virus, ay tuluyan na siyang pinabayaan ng kanyang employer kung kaya siya ay ­nagsusumamao sa ating ­gobyerno na maisama na siya sa chartered flight pauwi ng Pilipinas.

Ang AKOOFW ay ­nanawagan kay Ambassador Adnan Alonto upang bigyan pansin ang panawagan ni OFW Flora Dulay Ignacio.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa ­inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

290

Related posts

Leave a Comment