CAVITE – Tinutugis ng Cavite Police ang isang gray na kotseng Sedan makaraang bundulin at takasan ang 51-anyos na biker sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Idineklarang dead on arrival sa Crisostomo Hospital ang biktimang si Reynaldo Calata Jose, may asawa, construction worker, ng Pulvorista St., Binakayan, Kawit, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Alih Rimbang ng Bacoor City Police Station, binabagtas ng biktima ang Tirona Highway sakop ng Brgy. Dulong Bayan ng naturang lungsod sakay ng kanyang bisekleta dakong alas-11:20 noong Huwebes ng gabi nang banggain siya ng isang gray na Sedan na hindi naplakahan.
Ngunit imbes na bumaba ang driver at tulungan ang biktima, pinaharurot nito ang kanyang kotse patungo sa direksiyon ng Binakayan at iniwang nakahandsuay ang biktima. (SIGFRED ADSUARA)
222
