NANINIWALA ang Malakanyang na galing sa kalaban ng gobyerno ang kumalat na balita hinggil sa sinasabing ikinakasang lockdown sa buong bansa sa darating na Disyembre 23 hanggang Enero 3 ng susunod na taon.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, malinaw na target ng mga nasa likod ng fake news ang galitin ang taumbayan.
Giit ni Sec. Roque, halatang-halata na peke ang ipinakalat na balita dahil una nang nag-anunsiyo mismo si Pangulong Duterte sa classification ng quarantine protocol para sa buong buwan ng Disyembre.
Aniya, may polisiya ang IATF na hindi pa babalik sa malawakang pagla-lockdown at sa halip, localized na at granular ang magiging sistema sakaling kailanganin mag-lockdown.
o0o
PANEL OF EXPERTS
PINABUBUO SA FDA
NAGPALABAS na ng direktiba si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Food and Drugs Administration (FDA) na gumawa ng kaukulang hakbang hinggil sa inilalatag na paghahanda ng pamahalaan sa gagawin nitong pag-angkat ng bakuna kontra corona virus.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, iniutos na ni Pangulong Duterte kay FDA Executive Dir. Eric Domingo na bumuo ng panel of experts on drug and vaccine development.
Aniya, ang naturang mga eksperto ang magsasagawa ng pagrerepaso ng mga datos kung ligtas o epektibo ang COVID-19 drugs ng mga dayuhang bansa na mag-a-apply ng EUA o Emergency Use Authorization sa Pilipinas.
“Ipinag-utos din ng presidente sa FDA na bumuo ng panel of experts on drug and vaccine development na magsasagawa ng review ng mga datos kung ligtas o epektibo ang COVID-19 drug or vaccine na mag-apply ng EUA,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna nang sinabi ni Sec. Roque na bukod sa Pfizer ay naririyan din ang Sinovac at Sinopharm na nakakuha na ng EUA mula sa kani-kanilang pamahalaan.
Ang Pfizer ay gagamitin na umano ngayong linggong sa United Kingdom sa kanilang mass vaccination habang ang Sinovac at Sinopharm sa China ay ginagamit na sa ilang piling sektor gaya ng militar.
o0o
TURISMO MULING
AARANGKADA
KUMBINSIDO ang Malakanyang na aarangkada ang turismo sa bansa sa sandaling matapos ang pilot testing ng antigen test sa Baguio City.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hirap pa rin ang gobyerno na makahikayat ng mga turista para makapunta sa iba’t ibang tourist destination ng bansa gaya ng Boracay.
Ani Sec. Roque, ang dahilan ay ang sobrang mahal pa rin na RT- PCR test na aniya’y nakadi-discourage sa mga turista para pumunta sa magagandang tanawin at bakasyunan sa Pilipinas.
Sa kabila nito ay tiwala si Sec. Roque na sa sandaling matapos na ang pilot testing ng antigen sa lunsod ng Baguio ay makatutulong ito upang pumalong muli ang turismo sa bansa.
Sa katunayan aniya ay inaabangan nila ang resulta ng nasabing antigen pilot testing na sa sandaling magtagumpay ay tiyak aniyang makae-enggayo sa mga kababayan natin para makabiyahe na sa iba’t ibang magagandang lugar sa bansa. (CHRISTIAN DALE)
