HINDI SANA MAGAMIT SA PULITIKA

NAGSIMULA na sa Britanya ang pagbabakuna sa kanilang mga mamamayan lalo na yung mga bulnerable sa nasabing virus tulad ng mga matatanda at may karamdaman laban sa COVID-19.

Hudyat na ito na unti-unti nang babalik sa normal na pamumuhay ang mga tao sa buong mundo na 10 buwan ding pinahirapan ng COVID-19 dahil parang hinayaan ng China na kumalat ito.

May mga alegasyon na ­sadyang itinago ng China sa buong mundo ang virus na ito na unang natuklasan noong Nobyembre 2019 (kaya ­COVID-19 ang pangalan), dahil walang press freedom sa bansang ito, hindi nalaman agad ng buong mundo at nagulantang na lang ang lahat dahil nasa bansa na nila ang mikrobiyo na mula sa Wuhan, China.

Pero dahil sa bakuna na nagawa ng mga kilalang pharmaceutical companies, makakaahon na ang mundo at makakabalik na ang lahat sa normal na pamumuhay sa lalong madaling panahon.

Naghahanda na rin daw ang ­gobyerno natin para mabakunahan ang mga Filipino na nasa frontline, mga matatanda, mahihirap na walang kakayanang gumastos at mga law enforcers.

Pero sana hindi paabutin ng election season ang pagpapabukuna sa mga Filipino upang hindi ito magamit ng mga pulitiko lalo na ang mga kakandidato sa susunod na eleksyon.

Maghahain na ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang lahat ng mga gustong tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno sa Oktubre 2021 kaya pagdating pa lamang ng Marso, ay campaign season na yan.

Magpaparamdam na ang mga kakandidato sa national position lalo na sa presidential at senatorial race. Kung hindi nga lang pandemya baka busy na sila sa kaiikot sa buong bansa ngayon pa lamang.

Kaya hindi ko maiwasang maisip na baka magamit ang ­COVID-19 vaccines para magpakilala ng husto ang mga kakandidato sa susunod na eleksyon sa mga botante at makuha ang boto ng mga tao lalo na yung mga mahihirap.

Palalabasin nila na kung hindi sa kanila ay hindi mababakunahan ang mga tao laban sa COVID-19 kaya lalabas na malaki ang utang na loob ng mga botante sa kanila kaya may utang na loob ang mamamayan sa kanila.

Ngayon pa lang may ­gumagawa nyan eh. Pinapalabas na kung hindi sa kanila ay hindi nagamot o naoperahan ang taong inilapit sa kanila eh ang perang ginamit naman ay mula sa mga ahensya ng ­gobyerno na mula rin naman sa buwis ng mamamayan.

Tiyak na kapag nagkaroon ng COVID-19 mass vaccines, ay maglalagay sila ng tarpaulin na higante ang kanilang mukha kesa sa mga letra ng kanilang mensahe para palabasin na sila ang dahilan kaya nagkaroon ng bakuna ang mga tao.

Sana maiwasan ang pag-epal ng mga pulitiko sa mass vaccination campaign at tamaan sila ng konsensya dahil alam naman nila sa kanilang sarili na hindi nila pera ang pambili ng bakuna.

Mula pa rin ito sa buwis ng mamamayan at utang ng pamahalaan na babayaran pa rin ng mamamayan mula sa kanilang buwis kaya walang dahilan para angkinin ng sinumang pulitiko ang kredito kung sakali.

Yung mga pulitikong gagastos talaga mula sa kanilang sariling pera, sige gawin nyo yan, pero kung ang bakuna na ipagmamalaki nyo eh bahagi ng binili ng gobyerno eh wala kayong karapatan gawin yan. Intiyende?

105

Related posts

Leave a Comment