INSULTO sa mga guro ng pampublikong sistema ng edukasyon ng bansa, ang karagdagang mahigit P83 na matatanggap nilang allowance ngayong 2021.
Inilarawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na insulto ang higit P83 na buwanang allowance batay sa P1,500 na taunang allowance na idinagdag ng Kongreso mula sa umiiral na P3,500.
Ang ACT ay kabilang sa mga kaliwang organisasyon na iniuugnay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Communist Party of the Philipines – New People’s Army (CPP – NPA).
Kasama sa abrubadong P708.181 bilyong badyet ng Department of Education (DepEd) para sa kasalukuyang taon, ang P5,000 allowance ng mga guro para sa buong taon.
Sa nasabing halaga, P1,000 ang bonus ng mga guro para sa World Teacher’s Day sa Oktubre 5, ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla.
Ang balanse ay para sa gastos sa internet, komunikasyon at iba pa ng mga guro sa kanilang online classes o distance learning.
Inamin ni Sevilla na hindi kasama sa badyet ngayong 2021 ang P500 para sa medical check-up ng mga guro.
Idiniin ng ACT na hindi kasya ang P1,500 na dagdag sa pera ng mga guro ng pamahalaan para sa distance learning dahil mahigit P83 lang ito kada buwan.
Mananatili pa rin ang sistema ng pag-aaral sa pamamagitan ng internet, ngayong taon dahil talamak pa rin ang COVID-19 sa bansa.
Batay sa Department of Health (DOH), higit isang libo pa rin ang naitatala nilang bilang ng mga taong tinatamaan ng COVID.
Ikinatuwa naman ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones ang ipinasa ng Kongreso na dagdag badyet sa mga guro ngayong taon.
“We believe that our lawmakers will continue to support our initiatives for the welfare of our teachers and learners and the improvement of education in the country,” pahayag ni Briones. (NELSON S. BADILLA)
