PINIGILAN ni House Speaker Lord Allan Velasco ang imbestigasyon sa ilan nilang kasama sa Kongreso na sinasabing nakikipagsabwatan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang proyekto nito.
Isa rin umano ang nasabing imbestigasyon sa mga posibleng dahilan ng pagsibak ni Velasco kina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado.
Ayon kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, iniimbestigahan na nina Defensor at Sy-Alvarado ang nasabing isyu subalit nang maupong Speaker ang kinatawan ng Marinduque ay pinigilan niya ang mga ito.
“Actually, bago naalis si Mike Defensor at si Jonathan Alvarado, ‘yan ay iimbestigahan na. Pero ‘yong bagong liderato ng House pinigilan ‘yon, sinabi, ‘wag n’yo munang imbestigahan,” ani Cayetano.
Si Defensor ay dating chairman ng House committee on public accounts habang si Sy-Alvarado ay dating namuno sa Committee on good government and public accountability o blue ribbon committee ng Kamara.
Matapos sabihan na huwag nang imbestigahan ang nasabing isyu ay sinibak ni Velasco ang dalawang nabanggit na mambabatas sa kanilang pinamumunuang komite.
Hindi pa sumasagot nang personal si Velasco sa alegasyon ni Cayetano na pinigilan o hinarang nito ang imbestigasyon nina Defensor at Sy-Alvarado.
Sinabi Cayetano na layon ng imbestigasyon nina Defensor at Sy-Alvarado na malaman ang katotohanan sa pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa proyekto ng DPWH sa kani-kanilang distrito at unahan ang Executive deaprtment.
“Delikado na ‘yong Executive Branch ang bumabanat sa Legislative kasi kailangan mo rin ng independent legislature, pero hindi mo naman pwedeng i-ignore ‘yong corruption lalo kung kuntsabahan ito between legislators and the DPWH,” ani Cayetano.
Bago natapos ang taon ay pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 8 incumbent congressmen na sangkot umano sa anomalya sa DPWH projects subalit nilinaw na walang ebidensya laban sa mga ito.
Ang report na binasa ni Duterte ay mula kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica.
Pawang itinanggi ng mga inakusahang mambabatas ang paratang. (BERNARD TAGUINOD)
