EX-CONG. REY UMALI PUMANAW NA

Pumanaw na si dating Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, halos isang buwan matapos itong magpositibo sa coronavirus diseases 2019 o COVID-19, dahil umano sa cardiac arrest.

Ito ang kinumpirma ng kapatid ni Umali na si Oriental Mindoro Rep. Alfonso “Boy” Umali Jr. sa mga mamamahayag sa Kamara ukol sa pagpanaw ng dating chairman ng House Committee on Justice.

Ayon sa mambabatas, cardiac arrest ang ikinamatay ng kanyang kapatid habang naka-confine sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Nabatid na itinakbo sa nasabing pagamutan ang dating mambabatas noong Disyembre 12, 2020 dahil sa COVID-19 at lumubha umano ang kalagayan nito hanggang sa malagutan ng hininga dakong alas-otso ng umaga nitong Huwebes.

Ang dating mambabatas ay nag-imbestiga sa pagkakasangkot umano ni Sen. Leila de Lima sa ilegal na droga sa National Bilibid Prison noong ang huli ay kalihim pa ng Department of Justice (DOJ), sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Agad namang nagpaabot ng pakikiramay ang mga mambabatas sa pamilya ni Umali tulad ng mga kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara.

“Those of us in Congress lost a colleague today, while Oriental Mindoro lost a dedicated public servant. Thank you for your service, Cong. Rey; our thoughts and prayers are with you and your family,” ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante.

Si Umali ang ikalawang dating commissioner ng Bureau of Customs (BOC) na namatay dahil sa cardiac arrest matapos magkaroon o mahawa sa nakamamatay na virus ng COVID-19.

Unang pumanaw si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman at ret. Gen. Danilo Lim noong Miyerkoles dahil din sa cardiac arrest at tulad ng dating mambabatas ay nagkaroon din ng COVID-19.

Tulad ni Umali, naging commissioner din ng BOC si Lim. (BERNARD TAGUINOD)

220

Related posts

Leave a Comment