Imbestigasyon ipaubaya sa NBI – solon PNP SABLAY SA DACERA CASE

(BERNARD TAGUINOD)

PALPAK ang Philippine National Police (PNP) sa paghawak sa kaso ng flight attendant na si Angelica Christine Dacera.

Para kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, hindi marunong humawak ng kaso ang PNP.

“Lumalabas na hindi marunong humawak ng kaso ang hanay ng kapulisan dahil mas sanay silang magtanim ng ebidensya at pumatay ng mga taong walang kalaban-laban,” ani Brosas sa virtual press conference kahapon.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihin ni PNP chief Gen. Debold Sinas na ‘solved” na ang kaso ni Dacera dahil mayroon na silang suspek sa pagkamatay nito.

“Kating-kati na bumida ang kapulisan para pagtakpan ang kanilang bulok na imahe sa publiko. Hindi pa kumpleto ang ebidensya, solved na raw. Wala pang warrant of arrest manhunt na agad. Saan ka nakakita ng ganitong sistema ng pag-iimbestiga?,” ayon pa sa mambabatas.

Lalong napahiya aniya ang PNP nang palayain ng Makati prosecutor ang tatlo sa 11 “suspek” dahil hindi pa kumpleto ang mga ebidensyang isinumite ng PNP hinggil sa sanhi ng pagkamatay ni Dacera.

Dahil dito, sinabi ni Brosas na dapat baguhin ng PNP ang kanilang sistema sa paghawak ng kaso at tiyakin muna na kumpleto ang ebidensya bago ideklara na solved na ang isang kaso.

IPAUBAYA SA NBI

Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na ipaubaya na lamang ni Sinas sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa kaso ni Dacera upang matiyak na makamit ng pamilya ng biktima ang tunay na katarungan.

Ayon kay Castro, mismong si Sinas umano ang naging dahilan kaya nagkagulo sa impormasyon sa kaso ni Dacera at naging ugat din umano ito kung bakit nagalit ang publiko.

“Kaya ang panawagan natin kay Sinas ay shut up. Tumigil sya at ipaubaya sa mas competent na ahensya ng gobyerno like nung NBI para hanapin ang katotohanan kaugnay ng pagkamatay ni Christine,” ani Castro.

HUSTISYA TINIYAK NG MALAKANYANG

Para naman sa Malakanyang ay hindi pa sarado ang Christine Dacera case.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa New Year’s Day tragedy ay hindi maituturing na case closed ito.

“As of now it’s a continuing investigation. The NBI has gotten involved in it so hintayin po natin na ma-conclude iyong ating imbestigasyon. Obviously, dahil meron pang hininging ebidensya ang piskal, the case is not yet closed,” ayon kay Sec. Roque.

Gaya aniya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamilya Dacera ay mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Christine.

“Ang pangako naman po ng presidente ay makakamit po ang katarungan (para) sa pamilyang Dacera. Malalaman po natin ang katotohanan,” aniya pa rin.

SECOND AUTOPSY

Samantala, muling isinalang sa medico legal examination ang labi ni Dacera upang matukoy ang totoong sanhi ng kamatayan nito at pagkaraan ay ibiniyahe na ito pauwi sa General Santos City para duon ilibing.

Ito ang nabatid sa isang malapit na kaibigan ng pamilya Dacera kasunod ng pagkumpirmang mananatiling confidential ang resulta ng panibagong autopsy.

“The family has decided to leave it up to the PNP to do further investigation. Although we have a lot of witnesses that’s coming forward, and alam naman namin right from the very start there were a lot of irregularities and inconsistencies. So we leave it up to the PNP to be able to assess kung ano talaga ang nangyari,” ani Marichi Ramos, kaibigan ng pamilya.

Nabatid na hindi ito (autopsy report) basta-bastang ilalabas tulad ng nangyari sa unang autopsy na tumukoy sa ruptured aortic aneurysm na siyang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

“We’re surprised nga na nakalabas yung SOCO report bago pa kami makakuha ng any documents. Antayin na lang natin. It remains confidential ‘yung second autopsy natin,” pahayag pa ni Ramos sa media.

Kaugnay nito, inihayag din ng National Capital Region Police Office na hilaw pa at lubhang maaga na maglabas ng konklusyon sa kaso kaya babalikan ng mga imbestigador ang hotel room na tinuluyan ni Dacera.

Ayon kay NCRPO Director Maj Gen. Vicente Danao, titingnan nila kung may makukuha pang karagdagang ebidensiya tulad ng alak at kung may posibleng ginamit na droga.

Samantala, inatasan si Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na pangunahan ang preliminary investigation sa Enero 13, 2021 sa ganap na 10a.m. (May dagdag na ulat sina CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

101

Related posts

Leave a Comment