NELSON S. BADILLA
MISTULANG natameme si Senate President Vicente Sotto III hinggil sa kritisismo ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon laban sa kanya kaugnay sa itinutulak na panukalang batas na magbibigay ng panibagong 25 -taong prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Ang punto ng birada ni Gadon kay Sotto ay ignorante ang beteranong senador hinggil sa batas at proseso sa Kongreso.
Matatandaang inupakan ng abogado si Sotto makaraang maghain ito ng Senate Bill No. 1967, o “An Act Renewing The Franchise Granted To ABS-CBN Corporation Under Republic Act No. 7966”, o “An Act Granting ABS-CBN Broadcasting Corporation A Franchise To Construct, Install, Operate And Maintain Television And Radio Broadcasting Stations In The Philippines, And For Other
Purposes For Twenty-Five (25) Years From the Effectivity Of This Act” noong Enero 4.
Tinuran din ng senador na malamya ang kumpitensya sa pagbabalita ng mga kumpanya ng telebisyon nang matuldukan ang prangkisa ng ABS-CBN.
Sa kasalukuyan, 14 senador ang sumuporta sa SB 1967.
Dahil sa kagustuhan niyang iparating at ipamukha kay Sotto ang pagiging ignorante umano ng huli sa paggawa ng batas at sa proseso ng takbo nito sa Kongreso, minabuti ni Gadon na sulatan si Sotto.
Sa kanyang sulat, unang ipinaalala ni Gadon kay Sotto na ang “SB No. 1967 is technically and legally flawed”.
Anang abogado, sa titulo pa lamang ng SB 1967 ay kitang-kita na ang mali nito dahil hindi maaaring ipagpatuloy ang prangkisa ng ABS-CBN kung tapos na ito.
Mayo 5, 2020 nagtapos ang 25 taong prangkisa ng kumpanya.
Ibinasura ng Committee on Legislative ng Kamara de Representantes ang hiningi ng pamunuan ng ABS-CBN Corporation na panibagong 25-taong prangkisa dahil sa paglabag nito sa maraming batas, kabilang na ang hindi pagbabayad ng tamang buwis (tax evasion at tax avoidance), kuwestyonableng pag-aari sa lupa na kinatitirikan ng gusali ng TV station sa Quezon City, pag-aari ng mga dayuhang namumuhunan sa kumpanya at marami pang iba.
“Mr. President (Sotto), it is very elementary that a franchise can be renewed only if it is still subsisting, during its term, or prior to its expiration. It is rather basic that an expired franchise cannot be the subject of a renewal,” paliwanag ni Gadon.
Ang Republic Act No. 7966 (prangkisa ng ABS-CBN na naging batas noong Marso 1995) na siyang batayan ng S.N. 1987 ay wala nang bisa dahil nagtapos na ang buhay nito, ayon kay Gadon.
Ang ikalawang binatikos ni Gadon ay ang “S.B. No. 1967 [which] is procedurally infirm and in gross violation of the present Philippine Constitution”.
Ani Gadon, mali na maghain si Sotto ng panukalang batas para ipagpatuloy ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN Corporation dahil ang panukalang batas ay dapat na magsimula sa Kamara de Representantes.
Magsusumite lamang ang sinomang senador ng kanyang bersyon ng nasabing panukalang batas na inihain sa Kamara kapag natalakay at ipinasa na ito ng mga kongresista.
Tinumbok ni Gadon na nakasaad at ipinag-utos sa Seksiyon 47, Artikulo 6 ng Konstitusyon na ang mungkahing batas hinggil sa prangkisa ay kinakailangang magsimula sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Dadalhin ito sa Senado upang ipasa o maghain at magpasa ito ng sariling bersiyon.
Pagkakaisahin sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ng mga piling senador at kongresista ang dalawang bersiyon ng ipinasang panukala hanggang makarating sa pangulo ng bansa upang lagdaan.
Magiging batas ang panukalang batas pagkatapos itong lagdaan ng pangulo.
Kung hindi niya ito pirmahan, magiging batas pa rin ang panukalang batas makalipas ang 30 araw, alinsunod sa deklarasyon ng Saligang Batas.
Inaasahang kabisado na ito ni Sotto sapagkat noong 1992 pa siya senador at ilang taon na rin siyang pangulo ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Ngunit, nagulat at nagtaka ang publiko nang sorpresang naghain si Sotto ng panukalang batas pabor sa ABS-CBN Corporation.
Ikatlo at panghuling mali ni Sotto ay “the bill in itself relies on “antiquated” data, which is no longer applicable as of the present time,” ratsada ni Gadon.
Ayon sa abogado, ang binanggit ni Sotto na malamyang kumpitensiya batay sa datos ng Kantar Media na ang ABS-CBN Corporation ay mayroong “average audience share of 45%, or 14 points higher than GMA’s 31% [was] biased as it was released by ABS-CBN itself, is already old and “antiquated” since it was done on September 2019 and the data published on October 2, 2019. This is no longer true as of this time”.
Ibinalita ni Gadon kay Sotto upang malaman nito ang pinakabagong impormasyon sa tinatawag na “viewership engagement” batay sa datos ng Kantar Media sa buong Nobyembre 2020 ay
numero uno ang GMA 7 dahil nakakuha ito ng 85.8 porsiyento kumpara sa TV5 na 10.4 porsiyento ang iskor at ang ABS-CBN ay nakahagip lamang ng 3.2 porsiyento.
Idiniin ni Gadon kay Sotto na ang “ABS-CBN is no longer the top choice of TV viewers”.
Ang mga palabas ng ABS-CBN ay lumalabas sa iba’t ibang online platform, SKY Channel at iba pa.
175
