(NI LILIBETH JULIAN)
IWAS na iwas si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad na kahinatnan kapag tumulong sa pangangampanya sa mga kandidato ngayong May 2019 elections ang mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Ito ay matapos pagbawalan ng Pangulo ang mga Cabinet members nito na mangampanya para sa nalalapit na halalan.
Sa isang pahayag, inamin ng Pangulo na bagama’t hindi naman ipinagbabawal, minabuti nitong pagbawalan at hindi pahintulutan ang mga miyembro ng gabinete nito na mangampanya para makaiwas sa anumang masisilip na isyu.
“Dapat lang yan, para walang pagdududa, pwedeng isipin kasi na ginagamit ang pondo ng bayan para ikampanya ang isang kandidato kaya umiwas na lang para walang masabi,” wika ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na hindi naman dapat na gamitin ang resources ng pamahalaan lalo na sa pangangampanya dahil hindi ito makatarungan.
Una na ring nagbaba ng kautusan ang Pangulo sa mga sundalo at pulis na pagbabawal sa mga ito na pumanig at magampanya sa mga kandidato para mapanatili ang pagiging non partisan at neutral ng mga ito.
“I have ordered the police neutral. Neutral ang Gabinete although they can campaign. Pero sa panahon ko, sabi ko huwag. Huwag kayong makialam sa politika. Bakit? Well, kung mag-travel ang Cabinet members, sabihin nilang “Punta kami doon mag-inspect.” But they use public money. And it also, always a suspect ‘yan para walang masabi na nagamit ‘yung ano,” paglilinaw ng Pangulo.
Una na ring tinukoy ng Pangulo ang ilan sa mga senatorial candidate na pasok sa listahan nito gaya nina Governor Imee Marcos, dating SAP Bong Go, dating political adviser Francis Tolentino at dating PNP Chief Ronald Dela Rosa.
159