OFW NA TAPOS NA KONTRATA AT MAY KARAMDAMAN AYAW PA RIN PAUWIIN

DUMULOG sa AKOOFW ang ating kabayani na si OFW Cielo Sabando upang humingi ng tulong na siya ay masaklolohan.

Kasalukuyan na siya ay nasa Riyadh, Saudi Arabia at nakarating sa naturang bansa sa pamamagitan ng Hopewell Overseas Manpower Network, Inc.

Sa kanyang mensahe na ipinarating sa akin ay sinabi niya na siya raw humihingi ng tulong sa kadahilanan na ang kanyang operasyon sa bituka ay muli na namang sumasakit at wala raw siyang kakayahan na magtungo sa doctor para magpagamot.

Kasalukuyan na siya ay nasa loob mismo ng POLO Shelter ng halos apat na buwan na.

Isinusumbong niya na tila wala pang aksyon na ginagawa para sa kanya at maging ng ­gamot na kanyang hinihingi ay wala pa siyang natatanggap.

Mabilis ko itong ipinarating kay Welfare Officer Racquel Kunting na mabilis naman na tumugon at nangako na kanyang aalamin kung totoong nasa loob ito ng OWWA Shelter.

Siniguro niya sa AKOOFW na si OFW Sando ay agad na dadalhin sa ospital upang ­ipagamot. Aalamin din muli ang dahilan ng pagkabinbin ng kanyang pag-uwi sa Pilipinas.

Ang AKOOFW ay nanawagan din sa Hopewell Overseas Manpower Networks na kanilang suportahan at tulungan sa pangangailangang medical si OFW Sabando. Obligasyon pa rin kasi ng ahensya ang kanyang deployed na worker hangga’t hindi ito nakakarating o nakakauwi sa Pilipinas.

Samantala, nitong nakaraang Miyerkoles ay nakatanggap ako ng video call mula sa isang OFW na nasa Jeddah, Saudi Arabia na si Lashiel Balderas. Walang tigil ang kanyang pag-iyak at sobrang nakikiusap na siya ay matulungan na ma-rescue mula sa kanyang employer.

Inirereklamo niya ang laging “delayed” na sweldo at sobrang pahirap pa ang mga inuutos na ika nga ay ginagawang CCTV ang kanyang mata dahil sa bawat may nawawala o nakakaligtaan na anumang gamit ay siya ang agad na pinaghahanap at tila robot na kailangan orasan siya sa bawat inuutos sa kanya.

Si OFW Balderas ay na­karating sa Jeddah noong ­January 8, 2018 sa pamamagitan ng LBK Skill Providers Corp. Kung tutuusin ay tapos na niya ang kanyang kontrata ngunit sa kasalukuyan ay ayaw pa rin siyang payagan ng kanyang employer na makauwi sa Pilipinas.

Kaya’t labis-labis na ang kanyang paki-usap na siya ay matulungan. Nang matapos ang aking pakikipag-usap sa kanya ay agad kong tinawagan si OWWA Welfare Officer Yolanda Penaranda upang iparating sa kanya ang masidhing pakiusap ni OFW Balderas.

Agad naman itong tumugon at personal na mismo niyang tinawagan si OFW Balderas upang siguruhin sa kanya na ang kanyang sumbong at hinaing ay nakarating na sa kaalaman ng OWWA Jeddah.

Marami ang ganitong ­reklamo ng mga OFW na kung saan ang kanilang kontrata ay natapos na ngunit ang kanilang employer ay hindi pumapayag na sila ay pauwiin.

Lubhang tuso ang utak ng mga Arabo, dahil bagaman maituturing na sila ay mayamang bansa, ang kultura ng mga Arabo ay napakakuripot. Karamihan sa kanila ay talagang ayaw pauwiin sa Pilipinas ang kanilang kasambahay kahit labag na sa kalooban at sa batas, dahil lamang sa nanghihinayang sila na magbayad muli ng placement fee sa mga ahensya.

Tinatawagan ng pansin ng AKOOFW ang LBK Skill ­Providers Corp. na asikasuhin nila ang pagpapauwi kay OFW

Balderas at huwag todo-pasa ng kanilang obligasyon sa OWWA.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com

171

Related posts

Leave a Comment