P124-M PONDO UMANO GAMIT: MAHIHIRAP BINIBILI NI BONG REVILLA!

mahirap14

NILUSOB ng grupo ng urban poor ang Sandiganbayan Huwebes ng umaga para kondenahin ang hakbang ni dating senador Ramon ‘Bong’ Revilla sa tangkang bilhin ang suporta ng mga mahihirap gamit ang pondong sinasabing ninakaw sa kaban ng bayan.

Dala ang mga placard na may nakasulat na “P124 milyon gamitin sa Bayan hindi sa Bayad at ‘Huwag nang i-Resiklo si Agimat! Mag-Exodus ka na lang!”, sinabi ng mga nag-protesta na tinatangka umano ni Revilla na samantalahin ang kahirapan ng mga tao para makatakas sa responsibilidad sa pork barrel scam.

“Sinasamantala ni Bong Revilla ang trahedyang naranasan ng tulad nating mahihirap para makapagpabango ng pangalan at makalayo sa isyu ng pork barrel scam kung saan milyun-milyong piso mula sa kaban ng bayan ang kanyang naibulsa,” sabi ng grupo.

“Hindi masamang tumulong sa mga nasunugan, pero para sa isang bagong kriminal na tinatangging nangulimbat sa taumbayan, saan niya posibleng nakuha ang ipinamigay niyang kwarta?”

Idinagdag pa ng grupo na dapat nang tigilan ni Revilla ang paggamit sa sitwasyon ng mahihirap para pagtakpan ang kasalanan niya at papel sa pork barrel scam.

“Tigilan na ni Bong Revilla ang paggamit sa mga pangangailangan ng mahihirap para pagtakpan ang pandarambong niya sa bayan,” bigay-diin ng grupo.

Iginiit ng grupo na kung nais talagang makatulong sa mahihirap ni Revilla,  dapat ay isauli na lamang niya ang P124 milyon tulad ng kautusan ng Sandiganbayan at hindi ang gamitin ito para makabalik sa posiyon at makaupong muli sa Senado.

“Kung talagang gusto nyang tulungan ang mga nangangailangan, ibalik niya ang P124 milyon na ninakaw nya mula sa kaban ng bayan,” ayon pa sa galit na grupo.

Maliban sa kautusan ng Sandiganbayan na ibalik ang P124.5 milyon bilang civil liability, nahaharap pa rin sa 16 na kaso ng graft si Revilla sa Sandiganbayan.

367

Related posts

Leave a Comment