TINANGGIHAN ng Bureau of Immigration (BI) ang apela ng Dutch national na si Otto Rudolf De Vries kaugnay sa kanselasyon sa kanyang residence visa.
Sa kautusan noong Pebrero 26, ibinasura ng 3-man BI Board of Commissioners (BOC) ang kahilingan ni De Vries na baliktarin ang ruling kaugnay ng kanselasyon ng Section 13 permanent residence visa.
Ayon sa BI BOC, ang motion for reconsideration na inihain ng dayuhan noong Pebrero 8, ay walang valid legal cause.
Ibinasura ang apela ni De Vries dahil sa pagkabigong magbigay ng ebidensiya para mabaliktad ang desisyon na ito ay paalisin ng bansa.
Matatandaan noong Nobyembre, kinansela ng BI ang visa ng dayuhan kasunod ng impormasyon mula sa government intelligence sources, na aktibo itong nakikisali sa iba’t ibang protesta sa bansa.
Napag-alaman, si De Vries na nagsimulang nanirahan sa bansa noong Setyembre 2019, ay nakikitang nakikisali sa mga rali sa Mendiola, Pasig at iba pang lugar.
Bukod sa kanselasyon ng visa, si De Vries ay inutusan ding lisanin na ang bansa.
Si De Vries ay idineklarang undesirable alien, at ang kanyang pangalan ay naisama na sa BI’s blacklist.
Ayon naman kay BI Commissioner Jaime Morente, ang panuntunan para sa foreign nationals ay simple at klaro.
“There were photos of him engaged in several rallies in the country. Foreigners have no business joining such activities as it is a clear violation of their conditions of stay,” ani Morente.
“Time and time again we remind foreign nationals not to engage in partisan political activities. There are no exemptions, even permanent residence visas may be canceled for said violation,” dagdag pa ng official. (JOEL O. AMONGO)
