Inakusahan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kampo ng mga Duterte na inaabuso umano ang legal na proseso sa bansa upang malihis ang isyu sa impeachment complaint na isinampa laban kay Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Ito ang naging akusasyon ni House deputy majority leader Francisco Paolo Ortega V sa kanyang pagsusuri ng mga petisyon na isinampa ng mga Duterte sa Korte Suprema at maging sa Office of the Ombudsman kaugnay ng usapin ng impeachment.
“This is a clear abuse of legal processes. Instead of addressing the serious allegations of corruption and misuse of public funds, the Vice President and her camp are wasting the time of our courts with frivolous cases designed to harass those who simply did their duty,” wika ni Ortega na kinatawan din ng Unang Distrito ng La Union.
Magugunitang bukod sa petisyon ng tinaguriang ‘Davao Lawyers’, nagsampa rin ng hiwalay na aksyon ligal si VP Duterte sa Korte Suprema na pawang nagpapatigil sa impeachment proceedings laban sa kanya.
Nahaharap din sa kasong graft at korapsyon sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, House majority leader Manuel Jose ‘Mannix’ Dalipe ng Zamboanga City, dating appropriation committee chairman Elizaldy ‘Zaldy’ Co ng Ako Bicol party-list, senior vice chairperson ng komite Stella Luz Quimbo ng Marikina.
Ang reklamo laban mga nabanggit na mga opisyal ng Kamara de Representante ay isinampa sa Office of the Ombudsman ni Davao del Norte District I congressman Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na kilalang kaalyado ng mga Duterte.
“We see this for what it is—an attempt to intimidate the House, divert attention from the issues, and create noise to mislead the public. But no amount of legal theatrics can erase the facts: there were serious and questionable transactions in the Vice President’s use of confidential funds and in the Department of Education under her watch,” punto ni Ortega.
Ayon naman sa isa sa 11 House prosecutors na si Manila District III representative Joel Chua, mismong si VP Duterte ang naghamon noon sa Kongreso na isampa na ang Impeachment case laban sa kanya subalit ngayon ay hinaharang niya ito.
“Nagtataka kami kung bakit sila nag-file nito samantalang noong una, sinasabi nila na parang balewala at kayang-kaya nilang harapin ang impeachment complaint. Sabi nga po dati ng ating Bise Presidente na i-file nyo na ‘yan para masimulan na ‘yan,” ani Chua.
Gayun pa man, biglang nagbago umano ang isip ni VP Duterte kaya hinaharang niya na ngayon ang nasabing Proseso at dumulog ito sa Korte Suprema, na indikasyon na ayaw umano nitong harapin ang reklamong udibampa laban sa kanya. (PRIMITIVO MAKILING)
