HINDI ko masisisi ang mga tao na lalong mainis na sabihan sila na ‘maliit na bagay lang sa buhay natin” ang pandemya sa COVID-19 dahil mas maraming mabibigat na problema ang pinagdaanan natin at nalusutan natin.
Hindi maliit na bagay sa mga naulila lalo na sa halos 13,000 katao na mga namatay dahil sa COVID-19 na dinala ng isang Chinese national sa Pilipinas mula sa Wuhan, China noong Enero 2020.
Hindi maliit na bagay ang mahigit 621,000 Filipino na nagkasakit sa virus na ito na siguradong nagastusan dahil biglang tumaas ang mga bayarin sa mga hospital dahil sa mga dagdag na equipment ng mga medical practioners sa paggamot sa mga nagkasakit.
Hindi maliit na bagay ang 4 na milyong Filipino na nawalan ng trabaho dahil nagsara ang mga kumpanyang pinagtatrabuhan nila at kung hindi pa huhupa ang pandemyang ito ay lalong dadami pa ang mawawalan ng trabaho.
Hindi maliit na bagay ang pagsasara ng daan-daang libong maliliit na negosyo dahil sa pandemyang ito at walang kasiguraduhan kung makakabalik pa ba sila sa pagnenegosyo.
Hindi maliit na bagay ang paglobo ng utang ng Pilipinas sa halos P11 Trillion dahil nakautang ang gobyerno natin ng P2.74 Trillion para maka-survive sa pandemyang ito at pambili daw ng mga bakuna na hanggang ngayon ay wala pang kasiguraduhan kung kailan darating.
Hindi maliit na bagay ang milyon-milyong pamilya na nagutom dahil sinabayan ng kalamidad at pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang pandemyang ito na lalong nagpahirap sa kanilang kalagayan.
Hindi maliit na bagay na walang natutunan ang mga kabataan sa online classes dahil ang kanilang mga magulang ang sumasagot sa kanilang modules habang yung iba, dahil walang oras sa pag-asiste sa kanilang mga anak at kailangan nilang kumayod ay nagbabayad na lamang para masagutan ang modules ng kanilang mga anak.
Hindi rin maliit na bagay na habang tumatagal ang pandemyang ito dahil parang may mga pumalpak sa kanilang trabaho ay lumalala ang anxiety ng mga tao na lalong nagpapahirap sa kanilang kalagayan.
Hindi maliit sa mga senior citizens na isang taon nang nakakulong sa kanilang bahay, walang exercise sa labas, hindi nakakasagap ng sariwang hangin at hindi mapasyalan ang mga anak at mga apo na nakatira sa malayong lugar.
Hindi maliit na bagay na umasa lang sa tulong ng iba habang nasa pandemya dahil nagkuripot ang gobyerno sa kanila at kahit papaano ay mayroon namang hiya ang mga Filipino pero nilulunok nila yun dahil kung hindi ay mamamatay talaga sila sa gutom.
Hindi maliit na bagay na alam nating may pondo ang gobyerno para tugunan ang problemang ito pero hindi naramdaman ng mga tao dahil may lider ng bansa na ipinagkatiwala sa kanila ang trabaho pero wala naman silang alam sa sensiya.
Para siguro sa mga nasa kapangyarihan na siguradong may gagastusin kapag nagkasakit ay maliit na bagay nga ito pero sa mas nakararaming Filipino, malaking bagay ang problemang ito.
Marami pang malalaking bagay para sa mga ordinaryong mamamayan ang hindi dapat minamaliit lang.
Sabagay, marami naman dyan ang hindi naman talaga alam ang tunay na kalagayan ng mahihirap dahil kahit kailan ay hindi naman sila naging mahirap at yung mga dating mahirap na yumaman at nagkaroon ng poder sa gobyerno ay nakalimutan na ang pinanggalingan.
126