SA mga hindi nakakaalam kung sino si Rep. Ferdinand “Ferdie” Gaite, siya po ang isa sa mga kinatawan ng Bayan Muna party – list group sa Kamara de Representantes.
Dating pangulo ng COURAGE, samahan ng mga unyon ng mga kawani ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan, si Gaite.
Naging pangulo si Gaite ng COURAGE dahil opisyal siya noon sa unyon ng mga empleyado ng isang kagawaran ng pamahalaan.
Kung konektado siya sa COURAGE, hindi ko alam ang dahilan kung bakit bigla siya naging kongresista, sa pamamagitan ng pagiging kinatawan ng Bayan Muna.
Pokaragat na ‘yan!
Mula nang maging kongresista, masigasig si Gaite sa pagpapaliwanag hinggil sa posisyon ng Bayan Muna at kapwa niya mga kongresistang kabilang sa iba pang party – list na kasapi ng Makabayan Block sa Kamara.
Kung ako ang tatanungin, mas gusto kong magpaliwanag si Gaite kaysa kay Rep. Carlos Isagani Zarate dahil ‘pino’ kung magpaliwanag si Gaite kumpara kay Zarate.
Marami kasing pananaw si Zarate na mistulang tradisyonal na politiko kung ipagtanggol ang mga oligarko.
Pokaragat na ‘yan!
Kamakailan, nakatisod ako ng masamang balita tungkol kay Kongresista Gaite.
Nagpapalaganap daw ito ng “fake news”, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tungkol ito sa nabanggit ni Gaite na inakusahan daw ng DILG ang COURAGE na konektado sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa madaling salita, na-red tag ang COURAGE.
Pokaragat na ‘yan!
Siyempre, hindi nakapagtatakang umangal at batikusin ni Gaite ang DILG kung totoo ang pamamaril ng naturang kagawaran laban sa COURAGE.
Bilang reaksyon, pinagsabihan ni DILG Officer – in – Charge (OIC) Bernardo Florece, Jr. ang kongresista na “Bayan Muna party list Rep. Ferdinand Gaite should just help in the fight against COVID – 19 instead of spreading fake news against the Department of the Interior and Local Government”.
Ipinamukha ni Florece kay Gaite na “It is not true that the Memorandum dated March 10, 2021 of DILG Asst. Secretary for Public Safety and Security Alexander Macario “red-tagged” the group COURAGE and that a hitlist is now being prepared by government”, marahil laban sa mga opisyal at kasapi ng COURAGE.
Sabi ng OIC, nakasaad sa “records” na si Jose Maria Sison mismo ang may pakana ng “red – tagging” sa COURAGE at iba pang organisasyon na napasok at kinilusan ng CPP.
Pokaragat na ‘yan!
Ang binabanggit na rekord ay ang lumang video kung saan mapapanood at makikitang nagsasalita si Sison hinggil sa COURAGE at iba pa.
Nakarating na ito sa Senado.
Si Sison ang pinuno ng pangkat ng mga batang komunista na nagtatag ng CPP noong Disyembre 26, 1968.
Si Sison ay napakatagal nang naninirahan sa The Netherlands.
Simula pa noong 1987 siya ay sa ibang bansa nakabase makaraang palayain siya ni Corazon Cojuangco Aquino at ang iba pang bilanggo.
Mula noon, ayaw nang bumalik ni Sison sa Pilipinas upang makipagsabayan sa pakikibaka ng mga opisyal at kasapi ng mga organisasyong nakikibaka at nagsusulong ng pambansa – demokratikong adyenda sa pamahalaan at bansang Pilipinas.
Naniniwala si Florece na hindi peke, o hindi huwad, ang pag-uugnay ng COURAGE sa CPP dahil maging ang National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) ay mayroong dosiyer na nagdedeklara na ang COURAGE ay napasok at nakilusan na umano ng Makabayang Kawaning Pilipino (MKP).
Ayon sa NICA, ang MKP ay isa umanong “underground mass organization” (UGMO) na nagsusulong ng armadong pakikibaka na kontrolado ng CPP – NPA – NDFP.
Ang CPP ang ‘utak’ at pinuno ng kilusang pambansa – demokratiko, samantalang armadong organo nito ang NPA.
Ang NDFP naman ang nagkakaisang alyansa ng mga samahang lihim na nakikipaglaban, sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, upang makamit ang pambansa – demokratikong adyenda ng CPP sa Pilipinas.
Inilinaw ni Florece na karapatan naman ng mga kawani ng pamahalaan na magbuo ng mga samahan at unyon, ngunit labag sa Saligang –
Batas na magsulong ang mga ito ng armadong pakikibaka upang pabagsakin ang pamahalaan.
Kung sasali ang mga kawani ng pamahalaan sa iligal na organisasyon, iimbestigahan sila ng DILG, pahayag ni Florece.
Ngunit, tiniyak ng opisyal na walang katotohanan ang iwinasiwas ni Rep. Gaite hinggil sa “hitlist” na inihahanda raw ng pamahalaan.
Ito ang eksaktong binanggit ni Florece: “[the] hitlist [that] is now being prepared by government is another figment of his imagination. The DILG has its hand full fighting the pandemic for more than a year now that it has no time and energy to engage in his wild schemes”.
Hindi kursunada ng DILG OIC ang mga pahayag ni Gaite, kaya pinatitigil niya ang kongresista sa pagpapakalat ng fake news.
