HANDA na ang maalamat na boksingerong Pilipinong si Manny Pacquiao na bumalik sa ibabaw ng ring, ang kanyang naging tahanan sa loob ng nakalipas na 26 taon, para muling lumaban makaraan ang dalawang taong pagkabakante.
Subalit hindi para harapin si Terence Crawford, ang huling napabalitang gustong makipagbasagan sa kanya ng mukha. Hindi rin si dating kampeon sa UFC na si Conor Mcgregor.
Ang gustong makasagupa ngayon ng senador nang Pambansang Kamao ay kahit sino sa mga tinatawag na “fighting racists who’ve been targeting Asians” lalo’t dumarami ang krimen laban sa mga Asyano lalo na sa Amerika.
Katunayan, isang diretsong hamon ang ipinarating ng eight-division world champion sa kinauukulan sa pamamagitan ng kanyang Instagram account, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng pagkamuhi at karahasan laban sa mga Asyano at Asyano-Amerikano sa bansang tinaguriang “land of sugar and honey.”
“Stop attacking Asians who can’t defend themselves! Fight Me Instead,” tahasang hamon ni Manny sa kanyang tweet.
“We have one color in our Blood,” ani Manny. “Stop discriminating. LOVE AND PEACE TO EVERYONE!! #StopAsianHate.”
Ang posters ay ibinahagi ng 12 beses na kampeong pandaigdig sa naging viral hashtag “#StopAsianHate,” na nagpakita sa boksingerong napapaligiran ng mga biktima ng mga nakaraang anti-Asian hate attacks. Kabilang dito ang isang screenshot ng 65-anyos na babae at taong umatake sa kanya.
Ang naghaharing kampeon sa welterweight sa mundo ay isa lamang sa maraming atleta at personalidad sa sports na nagpahayag ng pagkabahala at pagkondena sa tumataas na bilang ng krimen laban sa mga Asyano.
Noong nakalipas na linggo, si NBA’s Miami Heat head coach Erik Spoelstra ay nagpahayag din ng pagkaalarma sa mga pag-atake sa komunidad ng mga Asyano tulad ng nangyaring pamamaril kamakailan sa Atlanta, Georgia. Walo katao ang pumanaw sa Atlanta, kabilang ang anim na kababaihang may dugong Asyano.
“I’m Asian-American, I’m proud to be Asian-American and seeing what’s happening with another outright form of racism and hatred is really sickening,” galit na nasambit ni Spoelstra.
“It breaks my heart, it’s despicable,” anang Filipino-Amerikanong ang ina ay tubong Lungsod ng San Pablo, Laguna.
“I think more people have to be aware of this. It really is irrelevant who you are and what you are, you have to see that this is wrong,” dagdag ni coach Spo.
“It really is heartbreaking and just shows you where we are. There is hatred abundantly still out there and people feel empowered to attack the Asian community and I just pray in my heart that this can stop.”
Ang mga dating manlalaro ni Spoelstra na sina LeBron James at Dwayne Wade, Kyle Kuzma, Golden State Warriors coach Steve Kerr at iba pang NBA stars ay nagpahayag din ng pagkadismaya sa mga nangyayari ngayon sa Amerika.
Sa isang pag-aaral ng Center for the Study of Hate and Extremism noong nakaraang buwan, ipinakita na ang anti-Asian hate crimes ay lumobo ng 149 porsiyento sa 16 na pinakamalalaking siyudad sa Amerika noong 2020. Ibig sabihin, mula sa 49 na naiulat na krimen laban sa mga Asyano noong 2019, lumago ito sa 122 noong nakaraang taon.
Ang Stop AAPI Hate, na sinundan ang galit, karahasan, panliligalig, diskriminasyon at pang-aabuso laban sa mga Asyano, Asyano-Amerikano at Pacific Islanders sa Amerika ay nakatanggap ng hanggang 3,795 na ulat sa pagitan ng Marso 19, 2020 hanggang Pebrero 28, 2021. At hanggang ngayo’y patuloy pa itong tumataas.
