MARAMI na umano sa mga miyembro ng Gabinete, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga doctor ang umiinom ng Ivermectin na hindi lang nakagagamot kundi nagbibigay proteksyon sa mga ito laban sa COVID-19.
Ito ang isiniwalat ngayong gabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kaugnay ng nasabing gamot na ayaw ipagamit ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH).
“Everyone from the cabinet, doctors, police and military officials are drinking Ivermectin. I know that those who symphatize will not deny the poor access to the Ivermectin drug,” ani Defensor.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag bilang tugon nang tanungin sa kanyang opinyon hinggil sa report na nagsimula na umanong mag-imbestiga ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pamamahagi nila ng libreng Ivermectin sa Matandang Balara, Quezon City noong nakaraang linggo.
“I completely understand that they are just following orders. Also, they can avail IVERMECTIN from me anytime for their protection. Alam ko na gusto rin nila at ng kanilang pamilya ng proteksyon,”ayon pa kay Defensor.
Magugunita na inilunsad ni Defensor kasama si Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang Community Pan-Three” sa Matandang Balara kung saan mula sa target na 35 beneficiaries ay umabot sa 200 ang nabigyan ng gamot matapos itong dumugin ng tao.
Kasama sa Community Pan-Three ang apat na doktor na nagreseta ng Ivermectin na sina Dr. Allan Landrito, Iggy Agbayani, Noel Castillo at Sham Quinto.
Pinaiimbestigahan ng FDA at DOH sa Professional Regulation Commission (PRC) ang mga nabanggit na doctor na pinalagan nina Defensor at Marcoleta dahil gusto lamang naman umanong tumulong ng mga ito na mailigtas sa COVID-19 ang mahihirap na mamamayan.
Hindi anila kaya ng mga ordinaryong tao ang P12,000 hanggang P48,000 bawat vial na siyang pinayagan ng FDA at DOH na ipagamit sa mga pasyenteng may COVID-19 kahit ipinagbawal na ito ng World Health Organization (WHO), kumpara sa P35 na halaga ng bawat tableta ng Ivermectin. (BERNARD TAGUINOD)
