P149.6-M shabu nakumpiska 2 PATAY SA ANTI-DRUG OPS SA PASIG

DALAWANG drug personalities ang napatay nang mauwi sa engkwentro ang ikinasang anti-narcotics operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group noong Linggo ng gabi sa Barangay Kalawaan, Pasig City.

Ayon kay P/Col. Glen Gonzales ng PDEG, noong Linggo ng gabi, naglatag ng buy-bust operation laban kay Arthur Abdul sa bakanteng lote sa Axis Road, Barangay Kalawaan.

Ikinasa ang “Coplan Chain Knuckle” operation dakong alas-9:10 ng gabi ngunit nakatunog na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ng baril si Abdul at ang kasama nitong lalaki at nagpaputok.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Nabatid na isa umanong bigtime drug distributor si Abdul at may koneksyon sa drug suspect na inaresto sa Cavite noong Abril.

Kasama siya sa listahan ng drug personalities dahil sa umano’y talamak na pagbebenta ng shabu sa NCR, Region 3 at Region 4A.

Abot sa 22 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa operasyon na tinatayang P149.6 milyon ang halaga.

Hinala ni PNP chief, Lt. Gen. Guillermo Eleazar, maaaring kasama ang nasamsam na droga na nakasilid sa Chinese tea bag packages, sa mga nakalusot na shabu dalawang taon na ang nakararaan.

Sinabi pa ni Lt. Gen. Eleazar, ang mga napatay ang nagpapakalat ng droga na galing kay Michael Lucas Abdul na naaresto sa hiwalay na operasyon sa Dasmariñas City, Cavite noong Abril 26.

Dagdag ni Eleazar, ang droga na ikinakalat nina Abdul ay kinukuha nila sa isang alyas “Bating,” tubong Mindanao, na bodegero ng isang Chinese drug lord.

Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol, caliber 380 pistol at isang Nissan Sentra. (JESSE KABEL)

139

Related posts

Leave a Comment