KALABOSO ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang masakote sa buy-bust operation nitong Biyernes ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Swak sa hoyo si Jayson Bernardo alyas “Itek”, 34, ng Bisig Road, Brgy. Bisig, ng lungsod.
Ayon sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon laban kay Bernardo sa nabanggit na lugar.
Nakaiskor ng P300 halaga ng umano’y shabu sa suspek ang undercover cop na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpiska mula sa suspek ang anim na gramo ng shabu na tinatayang P40,800 ang halaga, P300 pesos buy-bust money, P200 cash, cellphone at coin purse. (ALAIN AJERO)
