TULUNGAN AT IPAGTANGGOL ANG ARBs SA LUPAIN NG PAMILYA NI NEMESIO TAN

SINA Jose Sanny Billonid at Bernard Amistoso ay dalawa sa agrarian beneficiaries (ARBs) ng lupain ng pamilya ni ­Nemesio Tan na matatagpuan sa Barangay Dulangan, bayan ng Pilar sa Capiz.

Sila ay itinakbo at ginamot sa Capiz Doctor’s Hospital matapos silang pagbabarilin ng ‘di kilalang upahang mamamatay – tao nitong Mayo 24.

Mabuti’t hindi napuruhan sina Billonid at Amistoso ng upahang mamamatay – tao, kundi’y patay na sila ngayon.

Batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), 12 – gauge shotgun ang ginamit sa kanila.

Pokaragat na ‘yan!
Kung namatay sila, nadagdagan na naman ang listahan ng mga magsasakang ipinapatay ng mga panginoong maylupa na pawang sakim sa lupa.

Siyempre, nadagdagan din ang bilang ng mga pamilya ng mga magsasakang umaasang makakamit nila ang katarungan sa pagkamatay ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Pokaragat na ‘yan!

Naging ARBs sina Billonid at Amistoso dahil noong Marso 23 ng taong kasalukuyan ay nabigyan sila ng “Certificates of Land Ownership Awards” (CLOAs) ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pamumuno ni Secretary John Castriciones.

Malinaw na katibayan ang CLOAs na magkakaroon ng lupang sasakahin at pagtataniman sina Billonid at Amistoso na maipagmamalaking kanila na.

Noong Mayo 11 ngayon ding taon, itinalaga ng DAR sa dalawa ang nasabing lupa.

Hindi man ako naging saksi sa pangyayaring ito, sigurado akong labis ang kaligayahan ng dalawa at ng kani-kanilang mga pamilya dahil sa lupang naibigay sa kanila.

Sa wakas, nakamit nila ang lupang ipinaglaban ng mga magsasaka sa Pilar, partikular ang mga nagsasaka sa napakalawak na lupain ng pamilya ni Nemesio Tan, tulad ng dalawa.

Kinondena ni Castriciones ang sinapit nina Billonid at Amistoso.

Nakikiisa ako sa pagkondena ni Castriciones hinggil sa tinawag niyang “panliligalig sa mga magsasaka sa Capiz”.

Sabi pa ni Castriciones: “Kailangan matigil na ang walang katuturang panggugulo at hindi makatarungang pagtrato sa ating mga magsasaka”.

Dapat lang!

Nararapat lang na tulungan at ipagtanggol ang mga magsasakang nanalo sa laban mula sa lupain ni Nemesio Tan.

Nararapat lang na tulungan at ipagtanggol ang lahat ng ARBs sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ngunit, sino ang tutulong at magtatanggol sa magsasaka, partikular na iyong ARBs, kung ang mga kalaban nilang panginoong maylupa ay napakaraming pera?

Gaano katagal mag-aantay ang ARBs kung ang mga korte na may hawak sa mga kasong isinampa ng mga panginoong maylupa ay ubod nang kupad harapin, lutasin at desisyunan ang mga kaso?

Kailan magagapi ang mga panginoong maylupa kung sila mismo ay miyembro ng ­Kongreso?

Napakatagal nang panahon, ngunit naniniwala akong magtatagumpay sa dulo ang mga magsasaka.

Ayon sa DAR, ang ­napakalawak na lupaing pag-aari ng pamilya ni Nemesio Tan sa Capiz ay isinailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 1997.

Ngunit, hindi nangangahulugang literal na naubos at nawala ang lupaing Nemesio Tan.

Malawak pa rin ang natira sa mga tagapagmana ni Nemesio Tan, alinsunod sa batas na nagsilang sa CARP.

Ito ang Comprehensive ­Agrarian Reform Law (CARL) na isinabatas noong 1987.

Ngunit, hindi tinanggap ng pamilya ni Nemesio Tan ang desisyon ng DAR.

Kaya, simula noong 1997 ay naganap na ang laban sa pagitan ng mga magsasaka at pamilya Tan.

Ayon sa DAR: “Matatanggap na dapat ng ARBs ang kanilang certificates of land ownership award (CLOAs) mula sa DAR, subalit ang mga tagapagmana ni Nemesio Tan ay umapela sa korte at patuloy na kinontrol ang lupain”.

Nakipaglaban din ang mga magsasaka hanggang magkaroon ng karahasan noong 2017.

Isang magsasaka ang namatay at apat na iba pa ang sugatan sa nasabing taon.

Ngunit, kahit nangyari ito ay hindi tumigil ang mga magsasaka sa kanilang pakikibaka.

Ayon kay Castriciones, hindi rin tumigil ang DAR na tumulong at magtanggol sa mga magsasaka.

Kaya, mayroong mga kasong naipanalo ang DAR pabor sa mga ARBs.

Nang manalo sa korte ang mga kaso, ipinamahagi ng DAR ang mga titulo ng lupa at aktuwal na naitalaga ang mga ARBs sa kanilang lupain tulad nina Billonid at Amistoso.

Mabuhay sina Billonid at Amistoso!

Mabuhay ang mga magsasakang Filipino!

Ituluy-tuloy lang po ninyo ang inyong pakikibaka hanggang magtagumpay kayo!

Siyempre, kailangan ding mayroong mga taong patuloy na tutulong at magtatanggol para sa kanila.

152

Related posts

Leave a Comment