(NI DAVE MEDINA)
PINAKIUSAPAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pamahalaan ng Israel na tratuhin nang mabuti ang mga Filipino Migrant na kanilang nakatakang i-deport ng Pilipinas sa susunod na ilang araw.
Humingi ng pulong ang DFA sa pamamagitan ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Middle East and African Affairs Leslie Baja na pinaunlakan ni Israel Ministry of Foreign Affairs Deputy Director General Gilad Cohen.
Isinangkalan ni Asec Baja ang magandang relasyon sa pagitan ng Israel at Pilipinas sa paghingi ng pabor mula sa Deputy Director General ng Israel.
Hiniling ni Assistant Secretary Baja kay Cohen na tratuhin nang maayos ang mga overstaying Filipino sa Israel alang-alang sa naging mabuting relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Israel sa nagdaang mga panahon.
Aminado naman si Baja na responsibilidad ng mga manggagawang Filipino na makasunod sa mga immigration law ng Israel.
Nauna rito ay naglabas ng kautusan ang bansang Israel na dapat nang bumalik sa Pilipinas ang mga Filipina kasama ang kanilang mga anak na lumaki sa Israel.
Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na inihanda na ng DFA ang reintegration assistance sa lahat ng mapapauwing Pinay at kanilang mga anak.
Hindi naman nagpabaya at nakipag-ugnayan na rin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Philippine Embassy sa Tel Aviv para sa dagdag na tulong sa mga uuwing manggagawa at kapamilya.
182