HINDI dapat pagtalunan kung solusyon ba ang Rice Tariffication Act o hindi.
Ito’y dahil solusyon naman talaga ito sa kakapusan ng bigas sa Pilipinas na hindi kayang tugunan ng mga lokal na magsasaka.
Kapag nagsimula nang ipatupad ang naturang batas sa Marso, tiyak unti-unti nang darami ang bigas sa bansa.
Pero, hindi nangangahulugang awtomatikong bababa ang presyo ng mga bigas sa P25 mula sa higit P40 at higit P50.
Kahit sa susunod na mga araw, mananatiling mataas ang presyo ng bigas, sapagkat mayroong kartel ang mga negosyante ng bigas.
Ang isang “kyut” na ideya sa Rice Tariffication Act na nakatawag ng aking atensyon ay ang pagkakaroon ng “Rice Competitiveness and Enhancement Fund” na P10 bilyon ang inilaang pondo.
Syempre, ang P10 bilyon ay manggagaling sa pondo ng pamahalaan na galing sa mga taong nagbayad ng buwis at kung anu-anong bayarin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang paliwanag ng mga pasimuno ng kyut na ideya mula sa Kongreso at maging ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ay pantulong sa mga magsasaka ang tumataginting na P10 bilyon.
Mula sa perang ito, aayudahan daw ang mga magsasaka o maliliit na mga negosyante ng bigas na “matatalo” sa kompetensya ng bigas.
Kung babalikan natin ang kasaysayan ng Pilipinas, hindi lang ito ang unang pagkakataon na naglabas ng malaking pera ang pamahalaan sa ngalan ng mga magsasaka at maliliit na mga negosyante ng bigas.
At ang sinasabi ng kasaysayan ay walang nangyari sa pera ng pamahalaan.
Hindi napakinabangan ng mga magsasaka.
Nanatiling mahihirap ang mga magsasaka.
Mayorya pa nga sa kanila ay nabaon sa utang hanggang naobligang ipambayad ng iba sa kanila ang lupang ibinigay ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa kanila at nagkawindang-windang ang kanilang buhay.
Huwag na tayong maglokohan, sapagkat pare-pareho naman tayong hindi ipinanganak kahapon.
Hindi maganda ang ideyang P10 bilyon, sapagkat napakarami nang bilyun-bilyong pondo ang inilaan ng pamahalaan tulad ng Malampaya Fund, Fertilizers Fund, pondo sa PhilHealth, at iba pa, ngunit naging gatasan lang ng mga magnanakaw na opisyal ng pamahalaan. Kaya, nakatitiyak akong sa korapsyon lang babagsak ang P10 bilyong Rice Competitiveness and Enhancement Fund. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)
328