Namamayagpag sa Caloocan NCRPO KERNEL KALADKAD SA JUETENG NI ‘RENEL’

(NELSON S. BADILLA)

ISANG babaeng beterano sa ilegal na sugal ang namumuhunan kay alyas “Renel” upang maipuwesto ang kanyang jueteng sa Caloocan City.

Kinumpirma ng mapagkakatiwalaang source sa SAKSI Ngayon na si alyas “Reyna” ang pinansiyer ni alyas Renel.

Reyna dahil kilala siyang literal na reyna ng ilegal na sugal na bookies ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Si Reyna ay nakabase sa Laguna.

Pero, umaabot ang kanyang ‘kamandag’ sa ibang lalawigan sa Regon 4-A tulad ng Cavite, Batangas, Rizal at Quezon.

Pero, sabi ng source, nakagawiang tawaging “Tita” si Reyna sa Calabarzon.

Dati, pinasok na rin ni Reyna ang bookies niya ng STL sa Central Luzon (CL).

Kung napasok ni Reyna ang CL, samantalang moog na siya sa Calabarzon, nangangahulugang malakas sa Philippine National Police (PNP) ang kinakapitan ni alyas Reyna.

Posibleng ito rin ang dahilan kung bakit naipasok at naipuwesto ni alyas Reyna si alyas Renel sa Caloocan City.

Ayon sa ilang sources, mayroong ‘malapit na kamag-anak’ itong si Reyna sa PNP, partikular sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ang ranggo umano ng hilaw niyang kamag-anak ay “colonel”.

Natisod din ng reporter na ito na bago pa man naipasok ni Reyna, o Tita, si alyas Renel sa Caloocan ay nakapasok na siya sa Muntinlupa City, Las Piñas at lungsod ng Mandaluyong.

Sabi ng ibang source, hindi kasama ang Mandaluyong.

Pero, mayroong source na nagdiing pati Mandaluyong ay nakuha ni Reyna.

Nakapasok si Reyna sa National Capital Region (NCR) ilang linggo makaraang maging NCRPO director si Major General Vicente Danao Jr.

Si Danao ay siyang direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Calabarzon bago ibinigay sa kanya ni General Debold Sinas ang NCRPO.

Naging hepe ng PNP si Sinas hanggang magretiro ito noong Mayo 8.

Kung nakabalik si alyas Renel sa Caloocan, siguradong napakaligaya ng gambling lord na ito dahil bukod sa ‘naagaw’ umano niya ang Rizal para sa kanyang jueteng mula kay alyas “John Yap” ay nailarga pa niya ang kanyang jueteng sa teritoryo ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan.

Bukod sa jueteng, mayroon ding “EZ2” at “lotteng” si alyas Renel sa Caloocan.

Ikinasa ni alyas Renel ang EZ2 at lotteng kahit mayroon ding dalawang gambling lord na nagpapasugal nito sa Caloocan.

283

Related posts

Leave a Comment