Tarpaulin at banner kalat na sa gitna ng pandemya MGA ‘EPALITIKO’ BUHAY NA NAMAN

IKINAIRITA ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang pangangampanya ng ilang politiko o ‘yung mga tinaguriang ‘epalitiko’ na tumatarget sa presidential seat habang nasa gitna ng pandemya ng COVID-19 ang bansa.

Hindi nagbanggit ng pangalan si Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat kung sino-sinong mga politiko ang nangangampanya subalit nagkalat na umano ang tarpaulin ng mga ito.

“Nagsusulputan na ang mga tarpaulin at mga pangalan ng politiko sa panahong nasa krisis pa rin tayo ng pandemya. Imbes na unahin ang pagsugpo nitong pandemya, vaccine at ayuda para sa mamamayan, pansariling interes na naman ang nasa unahan ng mga politikong mag-uunahan sa poder para sa susunod na taon,” ani Cullamat.

Base sa obserbasyon ng mambabatas, ngayon pa lamang ay napakaaktibo na umano ang tunggalian ng mga politikong naghahangad na maging pangulo ng bansa kahit lugmok sa kahirapan ang mga tao dahil sa COVID-19 pandemic.

Gayunpaman, ang tanging misyon ng mga ito ay makaupo sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno subalit “wala pa ring plano sa kung paano tuluy-tuloy na lalampasan ang krisis sa kabuhayan ng maraming Filipino at ang di-maampat na pagdami pa rin ng kaso ng COVID-19”.

Sa Oktubre pa maaaring maghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga nais tumakbo sa 2022 presidential at local election.

At base sa batas, sa ikalawang linggo pa lamang ng Pebrero 2022 maaaring mangampanya ang mga politiko o 90 araw bago ang halalan subalit ngayon ay marami na anyang tarpaulin ng mga politiko na nagkalat sa mga lansangan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa social media, kaliwa’t kanan ang batikos kina Senador Bong Go at Presidential daughter, Davao City Mayor Sara Duterte dahil sa mga poster at tarpaulin ng mga ito na nakakalat sa mga highway partikular sa patungo sa mga lalawigan. (BERNARD TAGUINOD)

110

Related posts

Leave a Comment