MAS MATINDING CONSUMER PROTECTION PINALALATAG

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang ilang hakbang na magtataguyod ng kapakanan ng mga konsyumer laban sa mga manggagantso at mapanlinlang na pamamaraan ng ilang financial service providers.

Kailangan aniya na magbalangkas ng mga panuntunan upang maprotektahan ang publiko sa mga nananamantalang may pautang lalo na’t maraming nawalan ng trabaho noong nagsimulang pumutok ang pandemya.

“Lubhang nakakabahala ang pagdami ng reklamo mula sa mga konsyumer laban sa mga naglipanang nagpapautang sa online o kaya ay mga loan sharks na lalo pang naging mapangahas ngayong may pandemya. Alam nilang hindi sila sakop ng financial regulators kaya kailangan ng mas epektibong mekanismo na tutugon sa mga makabagong pamamaraan ng mga mapagsamantala sa kapwa,” paliwanag ni Gatchalian sa paghahain ng Senate Bill No. 2287.

Sa kanyang inihaing SB No. 2287 o ang panukalang “Financial Products and Services Consumer Protection Act”, layon ng senador na palawakin pa ang hurisdiksyon ng mga government financial regulators upang masakop ang lahat ng klase ng inilalakong serbisyo at produkto ng mga tinatawag na financial service providers sa bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, bibigyan ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC) at Cooperative Development Authority (CDA) na magsagawa ng mga kaukulang hakbang na layong lalong maprotektahan ang kapakanan ng publiko katulad ng market conduct surveillance and examination, market monitoring, enforcement, provision of complaints handling mechanism, adjudication, at paggawa ng mga nararapat na panuntunan.
(ESTONG REYES)

221

Related posts

Leave a Comment