WINASAK ng Bureau of Customs – Port of Cagayan de Oro (BOC-CDO) ang mga sigarilyong P75 milyon ang kabuuang halaga.
Isinagawa ang pagwasak noong Hunyo 14 sa loob ng pasilidad ng Terra Cycliq Corporation sa Brgy. Mantibugao, Manolo Fortich sa Bukidnon.
Idineklara ng Port of CDO na smuggled ang mga sigarilyong iba’t iba ang tatak.
Batay sa rekord ng BOC-CDO, naka-consign sa Sixty Nine Enterprises ang mga sigarilyong dumating sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Enero 11 ng taong kasalukuyan.
Ang unang deklarasyon ay kitchenware ang nilalaman ng tatlong container, ngunit lumitaw sa pagsisiyasat na 135,700 reams ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo ang ipapadala sa Sixty Nine Enterprises.
Ang pagwasak sa milyun-milyong halaga ng mga sigarilyo ay pinangunahan ng mga opisyal ng BOC na sina Deputy Collector for Operations-Mindanao International Container Terminal, Atty. Noe Espenilla; Deputy Collector for Operations-Port of Cagayan de Oro, Elizabeth Delas Llagas at CIIS Chief CDO Field Station Oliver Valiente.
Idiniin ng BOC-CDO na bahagi ng kampanya ng BOC ang pagwasak sa mga smuggled product, alinsunod sa direktiba ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
461 