PANGALAWA ang Pilipinas sa 53 bansa na pinakamababa pagdating sa katatagan sa pagharap sa COVID-19 pandemic.
Ito ang resulta ng pag-aaral na inilabas ng Bloomberg na sumukat sa katatagan ng 53 bansa sa pagharap sa pandemya dulot ng COVID 19 kung saan nasa ika – 52 puwesto ang Pilipinas.
Base sa COVID Resilience Ranking ng Bloomberg, nakakuha ang Pilipinas ng iskor na 45.3 kasunod ang pinakakulelat na Argentina na nakakuha naman ng 37 punto.
Nanguna sa listahan ang US na may 76 high resiliency score, sinundan ng 73.7 ng New Zealand, magkatulad na 72.9 ang nakuha ng Switzerland at Israel at pang-lima ang France sa iskor na 72.8.
Kasama sa bumuo sa Top 10 ang Spain (72), Australia (70.1), China (69.9), United Kingdom (68.7) at South Korea (68.6).
Kahanay naman ng Pilipinas sa ‘Bottom 10 ang ilang katabing bansa gaya ng Malaysia (46.6), Indonesia (48.2), Taiwan (52.1) gayundin ang India (47,7) Colombia (48.6), Pakistan (50.7) Bangladesh) at Peru (51.4).
Nabatid na ibinase ang resulta ng pag-aaral sa percentage ng mamamayan ng isang bansa na nabakunahan, uri ng lockdown, flight capacity, vaccinated travel routes, one month cases per 100,000 population, one month case fatality rate, total deaths per 1 million people at positivity rate.
“India, the Philippines and some Latin America countries rank lowest amid a perfect storm of variant-driven outbreaks, slow vaccination, and global isolation,” pahayag pa ng Bloomberg.
Hindi naman pabor ang National Task Force Against COVID-19 sa pahayag na mahina o mabagal ang Pilipinas sa kanilang paglaban sa corona virus dahil sa makupad na vaccination campaign.
Ayon kay Sec. Carlito G. Galvez, NTF Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar sa gitna ng kakulangan ng bakuna ay nagawa nilang mag-administer ng 10,065,414 vaccine doses sa buong bansa nitong nakalipas na linggo at tataas pa ito dahil nagsimula na naman silang mag-rollout ng bakuna nitong Lunes.
Samantala, tiniyak din ng Malakanyang sa publiko na prayoridad ng pamahalaan na protektahan ang kalusugan ng mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Tugon ito ng Malakanyang sa nasabing ulat ng Bloomberg.
“Ulitin lang po natin, ang ating choice ngayon ay hindi between health and the economy. It is about total health,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
“Ang ating mga polisiya ngayon ay talagang ini-ensure na hindi lang mapapababa ang numero ng COVID kung hindi maiiwasan din po ang pagkagutom sa hanay ng ating kababayan,” dagdag na pahayag nito.
Aniya pa, sa kalaunan naman ay makababawi ang ekonomiya mula sa pagkakalugmok dahil sa restriksyon sa mobility at operations na ipinatupad upang mapigilan ang pagkalat ng virus. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
