NGAYON pa lang ay pinaplano na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagbabalik ng mga grassroots sports development program nito na nakansela dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni PSC Commissioner Ramon Fernandez, hindi maaaring pabayaan ng ahensiya ang sports development ng mga kabataang atleta ng bansa.
“We are really affected by the pandemic kaya lahat ng mga project at program ng PSC ay na-shelve almost two years ago na,” pag-amin ng chef de mission ng Team Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ngunit nagsasagawa na sila ng coordination meetings para sa Batang Pinoy at Philippine National Games, ang dalawang pangunahing torneo ng ahensiya na nakatutok sa pagdiskubre ng mga de-kalidad na batang atleta, sa susunod na taon.
Huling nakapagsagawa ng Batang Pinoy noong 2018 sa Baguio City, habang sa parehong taon din ang PNG sa Cebu City naman.
Tampok sa Batang Pinoy ang mga kabataang atleta na edad 15-anyos pababa, habang ang PNG ang nagsisilbing qualifying tournament nila para makapasok sa national team.
Ilan pa sa mga programa ng PSC na naapektuhan ng pandemya ang Philippine Sports Institute, Women in Sports, Laro’t Saya Sa Parke, Indigenous Peoples Games, Pilipinas Para Games, UNICEF model sa grassroots na Children’s Games, Philippine Sports Hall of Fame at National Sports Summit. (ANN ENCARNACION)
