NAKATANGGAP na naman ako ng reklamo ng OFW na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Sa kanyang sulat, ikinuwento ni Pahmia Bukol ang matinding paghihirap na kanyang dinaranas mula sa kanyang among babae.
Literal na pang-aalipin ang ginagawa sa kanya ng kanyang amo dahil maging ang kanyang pagkain ay ipinagdaramot sa kanya.
Si Pahmia ay dumating sa Khamis Mushait, Abha, Saudi Arabia noong Pebrero 12 ng taong kasalukuyan, sa pamamagitan ng New Frontier Resources, Inc.
Ayon kay Pahmia: “Noong una maayos pa sila makisama, pero noong umabot na ako ng 2 months [ay] hindi na sila maayos magbigay ng pagkain. Ako po lahat ang bumibili ng mga gamit at pagkain ko na dapat po ay ang employer ko ang dapat mag-provide. Noodles at kubos lang po ang pinapakain sa akin. Tapos noong umabot na po ako ng 4 months ay lalong nag-iba ang kanilang pagtrato sa akin. Minsan pa nga ay pagkatapos ko po maglinis ay nagpahinga lang po ako nang kaunti at uminom ng tubig ay bigla akong hinampas ng mop na gamit ko sa paglalampaso ng sahig”.
“Last week po ay sinabunutan po ako ng amo kong babae, buti na lang po ay nagpunta ang anak ng amo kong lalaki na siyang tunay ko pong employer. Nagsumbong po ako sa ginagawa ng nanay niya sa akin. Matapos nito ay dinala na niya ako sa bahay niya at kinabukasan po dinala na ako sa ahensya ko rito sa Saudi Arabia”.
“Pero, imbes na ako ay pangalagaan ng ahensya ko ay pinabalik lang ako nito muli sa aking malupit na among babae. Ayon sa aking ahensya, nagbayad daw ang amo kong babae sa kanilang ahensya, kung kaya dapat na siya ay bumalik na lamang dito. Kinaka-takot ko lang po [ay] baka mas lalo pa akong saktan ng amo kong babae dahil sa aking pagsusumbong sa kanyang anak”.
Sa pagtatapos ng liham ni Pahmia, nakikiusap ito na: “Gusto ko na lang po umuwi kasi po ay may trauma na ako at baka kung ano pang masama ang mangyari sa akin dito. Kaya, humihingi po ako ng tulong na makauwi ako sa Pilipinas sa lalong madaling panahon”.
***
KUNG mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
176 