46% ng Pinoy hindi boboto sa 2022 – survey NO-EL SCENARIO KINONTRA

“MAY pandemya o wala, dapat tuloy ang eleksyon.”

Ito ang pahayag ni House minority leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano nang lumutang ang no-election (No-El) scenario matapos lumabas sa isang survey na 46% sa mga Filipino ay hindi boboto sa susunod na eleksyon dahil sa takot ng mga ito sa COVID-19.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat gamitin ang resulta ng survey na ito ng Pulse Asia para ipagpaliban ang susunod na halalan dahil maaari pang magbago ang isip ng mga tao pagdating ng araw ng halalan.

“The survey said they prefer not to cast their votes but I think they will still go out on Election Day to support their chosen candidates,” ayon sa lider ng oposisyon sa Kamara.

Maraming bansa na aniya sa mundo ang itinuloy ang eleksyon kahit sa gitna ng pandemya sa COVID-19 kaya walang dahilan para ipagpaliban ang susunod na halalan sa bansa.

Umapela rin ang mambabatas sa taumbayan na huwag palagpasin ang pagkakataon na makaboto sa darating na eleksyon dahil nakasalalay sa kanilang boto ang kinabukasan ng bansa.

“Marami sa atin ang nawalan ng mga mahal sa buhay at hanapbuhay, huwag nating payagan na mawawala rin pati ang ating karapatan na bumoto,” apela ng mambabatas.

Gumagawa na aniya ng paraan ang Commission on Elections (Comelec) para masiguro ang kaligtasan ng mga botante sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022 kaya walang dahilan para matakot ang mga tao.

Nakatakdang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, 2022 subalit kapag hindi nagkaroon ng halalan ay posibleng mapalawig din ang pamumuno nito sa bansa. (BERNARD TAGUINOD)

104

Related posts

Leave a Comment